Dahil sa RH Law, abortion tataas

MATAPOS IDEKLARANG constitutional o ligal ng Kataas-taasang Hukuman ang Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012, pinangangambahang namang tumaas ang bilang ng abortion sa bansa.

Ito ang inihayag ni Baguio Bishop Carlito Cenzon kung saan lalo lamang aniyang lalala o lalaganap ang pagsasagawa ng abortion sa Pilipinas kapag naipatupad na ang RH law.

Dismayado, aniya, ito dahil sa hindi sinusunod at tinutupad ng estado o ng pamahalaan ang nakasaad sa 1987 Philippine Constitution o Saligang Batas na tungkulin nitong protektahan ang buhay ng ina at sanggol mula conception.

Magpopokus naman ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso sa Department of Health (DOH) oras na maipatupad na ang nabanggit na batas.

Mismo namang si Senate President Franklin Drilon ang nagsabing magiging bantay-sarado sa kanila ang naturang kagawaran para i-monitor kung paano nito ipapatupad ang mga sistema ng pagpaplano ng pamilya base sa mga nakapaloob sa nabanggit na batas.

Nakahanda namang sumunod ng Department of Health (DOH) sa ruling ng Korte Suprema sa Reproductive Health (RH) Law.

Ito ang tiniyak ng Palasyo matapos ideklara ng Supreme Court (SC) na legal ang naturang batas maliban lamang sa ilang probisyon tulad ng Section 7 at 23.

Binanggit ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Herminio ‘Sonny’ Coloma na inihayag mismo umano ni DOH Sec. Enrique Ona na ipapatupad ang RH law base sa desisyon ng SC.

“Ayon kay Secretary Ona, handang ipatupad ng DOH ang batas ayon sa desisyon ng SC,” dagdag pa ni Coloma.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.