Dahil sa patuloy na pag-ulan….. Residente pinag-iingat ni Recom sa leptospirosis

PINAG-IINGAT NI Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang mga residente ng lungsod na maging maingat ngayong panahon ng tag-ulan upang maiwasang makakuha ng sakit na leptospirosis na kadalasang nakukuha sa ihi ng mga hayop na humahalo sa tubig baha.

Ayon kay Echiverri, ang naturang sakit ay labis na nakaaapekto sa katawan ng tao na posibleng maging dahilan ng kamatayan kaya’t labis ang pagbibigay nito ng babala sa mga residente na maging maingat sa paglusong sa tubig baha.

Aniya, posibleng ma-kuha ang sakit na leptospirosis sa tubig baha kung saan ay maaaring humalo ang ihi ng mga hayop partikular na ang daga na siya namang napupunta sa katawan ng tao sa pamamagitan ng pagpasok nito sa mga “open wounds”.

Kabilang sa mga simtomas ng sakit na ito ay ang mataas na lagnat, pananakit ng ulo at kasusuan, panginginig ng katawan, pamumula ng mata, pagtatae, pagsusuka at iba pa na posibleng maramdaman sampung araw hanggang 21 araw.

Base naman sa rekord ng City Health Department (CHD), bumaba ang kaso ng leptospirosis sa Lungsod ng Caloocan kung saan ay dalawampung kaso lamang ang naitala simula noong Enero hanggang Hulyo ng taong kasalukuyang kumpara sa 35 noong nakalipas na taon sa parehas ding buwan kung saan ay bumaba din ang hanggang 42% ang kaso ng nasabing sakit sa lungsod ngayong taon.

Wala ring napaulat na namatay sa sakit na leptospirosis sa buong lungsod ngayong taon simula noong Enero hanggang Hulyo habang isa naman ang nasawi noong nakalipas na taon sa parehas na petsa.

Ilan lamang sa mga ipinatutupad na programa ng CHD laban sa sakit na leptospirosis ay ang information campaign sa lahat ng health centers sa buong lungsod, pagpapalinis ng drainage at kanal upang maiwasan ang pagbaha at ang pamimigay ng doxycycline capsule na panlaban sa naturang sakit.

Napag-alaman din na sa kasalukuyan ay umabot na sa 610 boxes ng doxycycline ang naipamigay ng CHD sa mga health centers sa lungsod na kung susumahin ay aabot sa 61,000 capsules na gamot sa leptospirosis ang naibigay ng lokal na pamahalaan sa mga residente.

Kaugnay nito, patuloy namang pinamo-monitor ni Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri ang kalagayan ng mga residente sa mga binahang lugar upang agad na maagapan sakaling may sintomas ng sakit na leptospirosis ang mga ito.

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.