Dahil sa Palpak na Trabaho Project Engineer ng VOM, Ipatatawag

DAHIL SA pagkakaroon ng depekto ng ginawang proyekto, ipatatawag ng Sangguniang Panglungsod ng Valenzuela ang project engineer ng Valenzuela-Obando-Meycauayan (VOM) Mega Dike Project.

Sa privileged speech ni Valenzuela City 1st District Councilor Rovin Feliciano noong Lunes (September 9), hiniling nito sa kanyang mga kapwa konsehal na ipatawag sa sesyon ang project engineer ng naturang proyekto na si Elias de Guzman upang makapagpaliwanag hinggil sa umano’y pagkakaroon ng depekto ng VOM Mega Dike Project.

Ayon kay Feliciano, karapatan ng mga residenteng nakikinabang sa VOM Mega Dike Project na malaman kung bakit nagkakaroon ng depekto ang naturang proyekto dahil pera ng taumbayan ang ginagamit sa paggawa nito.

Base sa nakarating na impormasyon kay Feliciano, nagkakaroon na ng depekto ang dike na kasalukuyang ginagawa partikular sa Barangay Wawang Pulo, Valenzuela City patungong Barangay Tawiran at San Pascual, Obando, Bulacan.

“Ang nasabing bahagi ng proyekto ay nagkakahalagang P55 milyon, papayag po ba tayo na ang proyekto na nagkakahalaga ng ganoong kalaki ay hindi natin mapakinabangan ng maayos at hindi pa natatapos ay lumalabas na ang mga depekto,” nakasaad pa sa speech ni Konsehal Rovin.

Bukod pa rito, bago pa man dumating ang pananalasa ng Hanging Habagat nitong nakalipas na Agosto ay lumalabas na ang bitak ng nasabing proyekto at gumuguho na rin ang lupa na siyang pundasyon ng dike.

Layunin ng VOM Mega Dike Project na mabigyan ng permanente o pangmatagalang solusyon ang problema sa pagbaha na ilang dekada na ring idinadaing ng mga naninirahan sa ilang barangay ng Valenzuela at karatig na bayan ng Obando at Meycauayan sa Bulacan.

Lumalabas na aabot sa mahigit 5 bilyong piso ang gugugulin ng national government upang maisakatuparan ang proyektong ito kaya’t sinabi pa ni Feliciano na hindi dapat masayang ang perang gagastusin sa paggawa ng VOM Mega Dike Project.

Sakaling matapos ang proyektong ito, umaasa ang mga naninirahan sa mga barangay na nakararanas ng matinding pagbaha sa Valenzuela City at mga bayan ng Obando at Meycauayan, Bulacan na matatapos na ang kanilang problema sa tuwing lalakas ang pagbuhos ng ulan at pagkakaroon ng high tide.

(MARY H. SAPICO)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.