Dahil sa pagharap sa mga isyu: Shaina Magdayao, magaan na ang dibdib

MASAYA na si Shaina Magdayao, dahil naging malaking gaan sa kanyang dibdib ‘yung ginawa niyang pagharap sa pinagdaanan nilang isyu kamakailan ni John Lloyd Cruz. Ang maipagmamalaki lang niya sa ngayon, mas lalo pa raw tumibay ang relasyon nila ng magaling na aktor pagkatapos ng nasabing malaswang intriga. Ito raw ang hindi nila makakalimutang isyu na ikinabit sa kanilang pangalan para sirain ang kanilang pagmamahalan.

Mas nahaharap na ngayon ni Shaina ang kanyang trabaho nang walang mga tao sa kanyang paligid na palihim na sumusulyap sa kanya, at nagpaparamdam na para bang mayroong gustong itanong sa kanya at alamin ang kanyang panig. Isang mahabang paliwanag lang pala ang kinailangan niyang gawin para matapos na ang mga pagdududa ng mga tao. Isa kasi sa nakaapekto noon sa sister ni Vina Morales ay ‘yung lihim siyang pinagtatawanan ng mga tao sa kanyang paligid.

Aware si Shaina, na pagkatapos ng malaswang intrigang pinagdaanan nila ni John Lloyd, mainit pa rin naman silang dalawa sa mata ng mga taong nakapaligid sa kanila, na naghahanap ng butas para guluhin ang kanilang relasyon. Pero sa ngayon naman, marami ang pumupuri sa kanilang dalawa, dahil hindi raw sila nakakaasiwang pagmasdan habang magkasama. Maihahalintulad mo sila sa sweetness noon nina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo, na may kilig factor kung makikita mong magkasama, pero ‘di ka madidiyaheng sulyap-sulyapan sila, katulad kung papaano ngayon maglambingan sa harap ng publiko sina Mariel Rodriguez at Robin Padilla.

WALANG MASAMANG BUTO sa katawan si Jake Cuenca. Kumbaga, puro ‘yong kanyang kabaitan, kaya kahit pa intrigahin siya, mas madalas na ipinagkikibit-balikat na lang niya ang mga pambabatikos sa kanya.

Kapag nasasaktan siya sa mga isyung ibinabato sa kanya, lagi na lang niyang iniisip na maganda ngayon ang takbo ng kanyang movie career. Noon naman kasing hindi pa siya lumilipat sa ABS-CBN at wala pa siyang mga proyekto, hindi naman siya pinag-uusapan, dahil walang halos pumapansin sa kanya.

Totoo naman iyon. Dahil kahit si Manay Lolit Solis ay nanibago sa kasikatan at pagiging kontrobersiyal ngayon ni Jake.  Sabi nga ni Manay: “Suwerte-suwerte lang talaga ang pagsikat ng mga artista. Kasi nga, kahit ako, nu’ng nandito pa si Jake sa GMA-7 na pakalat-kalat lang siya d’yan, hindi ko siya napapansin. Parang wala lang. Pero ngayon, madami na ang pumapansin sa kanya.”

Hindi nawawalan ng ibinabatong intriga kay Jake. Sa tuwing mabango ang kanyang pangalan sa bakuran ng Dos, laging binubuhay ang tsismis na kabit siya ng isang makapangyarihang bading sa Kapamilya network. Kapag wala siyang project at bongga pa rin ang lifestyle niya, sasabihin ay maraming miyembro ng third sex ang nirarampahan niya. Parang walang naniniwala na masinop siya sa perang kanyang kinikita sa pag-aartista niya.

Pansinin pa rin talaga si Jake, kaya matatagalan pa ang kanyang pagiging kontrobersiyal. Kamakailan naman, pinagdiskitahan ang kanyang billboard, dahil malalaswa na raw. Susme! Sa totoo lang, gaya ng billboard niya sa Makati, d’yan sa may Mantrade, wala kaming makitang laswa, dahil madilim naman ang kuha noon, at artistic pa nga ang dating.  Dahil wala kang makikitang maselang parte ng kanyang katawan, kundi sa imahinasyon mo ay iisipin mo lang na hubad siya. Hayan tuloy, lalong pinagtitinginan ng mga biyahero ang nasabing billboard sa kalsada, dahil hinahanap ang sinasabi nilang laswa raw.

ChorBA!
by Melchor Bautista

Previous articlePoker Boys: Mga Bagong Pahada sa Sugalan
Next articleMale Singer na Produkto ng Singing Contest, Ibinuking na Nagse-Sex Sila ng mga Kapwa Male Contenders!

No posts to display