Dahil sa P400-M water scam Echiverri, kinasuhan ng plunder

 

KASONG PLUNDER ANG panibagong kaso na kinahaharap ngayon ni Caloocan City Mayor Enrico ‘Recom’ Echiverri at pitong iba pang opisyal ng Caloocan dahil umano sa maanomalyang water supply contract na nagkakahalaga ng mahigit P400 milyon.

Bukod kay Echiverri at mga kasamang city officials, sinampahan din ng kaso ang limang sibilyan na naging kakutsaba umano para ‘manipulahin’ at ‘lutuin’ ang kontrata nang ‘di maayos at panloloko na pamamaraan.

Sa kanyang reklamo kahapon sa Office of the Ombudsman, inihayag ni Caloocan Vice-Mayor Egay Erice na nilabag ni Echiverri ang Crime of Plunder (R.A.7080) nang nakipagsundo sa maanomalyang transaksiyon ng multi-million water supply.

Ang plunder ay ‘non-bailable’ offense. Ang public official na mapapatunayang nagkasala nito ay maba-ban habang buhay na makapagtrabaho sa opisina ng gobyerno bilang parusa, ganoon din ang mga sibilyan na mapapatunayang nagkasala.

Sa nasabing transaksiyon, nilabag din umano ni Echiverri, kasamang opisyales at mga kakutsabang sibilyan ang Sections 3(e), (f) and (g) of R.A. 3019 na kilala rin sa tawag na Anti-Graft and Corrupt Practices.

Bukod kay Echiverri, nahaharap din sa kasong plunder at graft ang mga city officials sa pamumuno ni Alfonso C. Sta. Maria, Officer-In-Charge ng Environmental Sanitaton Services at City Accountant Edna V. Centeno.

Sina Administrator at Chairman ng Bids and Awards Committee Russel C. Ramirez at  General Services Office head at BAC Vice Chairman Ca-roliza Delos Santos ay nahaharap din sa parehong kaso. Ganon din si City Budget Officer Jesusa C. Garcia, Engineering and Department head at BAC member Engr. Rolando Doria at Kristine D. Martinez-Abustan, Secretary to the Mayor at BAC member.

Dahil sa pakikipagkutsaba sa mga opisyal na ito ng city hall, ang sibilyan na si Marian B. Azares ng Deca Homes, Loma De Gato, Bulacan, may-ari ng ‘water company in question’ ay ipinagharap din ng plunder at graft.

Kasama rin sa kinasuhan sina Marilyn S. Lapitan ng Kaunlaran Village, Caloocan; Jan Gabriel C. Dela Cruz at Jerry Ross Cheng, parehong nakatira sa 1461 Abad Santos St., Tondo, Manila; at Leo Cris Rojo ng BIR Village, Fairview, QC.

Sinabi ni Erice, ang mga akusadong city officials sa pangunguna ni Echiverri at civilian respondents na sina Azares at kasama nito “had connived to deprive the city (of Caloocan) a total of P415,996,788.77 involving  anomalous water deal.”

Inihayag pa ng bise alkalde na nadiskubre ang iregularidad nang rebyuhin nito ang pondo ng bawat departamento at opisina ng city government simula nang simulan ng city council ang hearing ng proposed budget para sa 2011.

Nagkaroon siya, aniya, ng interes na rebyuhin ang alokasyon ng pondo sa basura na P422 million at serbisyo sa tubig na P101 million, dahil sa laki ng budget nito kumpara sa Diosdado Macapagal Memorial Medical Center.

Ang DMMMC na nag-iisang medical institution na minamantine ng city government para sa mahihirap na sektor ay may maliit na budget na P91 million lamang kumpara sa basura at water services.

Dahil nahihiwagaan sa nadiskubre, nagsagawa ito ng pagsisiyasat at napag-alaman na nagkaroon ng hokus-pokus  sa transaksiyon ng water deal supply, dahilan para mawala sa kaban ng Caloocan ang halagang P415,996,788.77.

Ang sinasabi sa kontrata na ka-deal ng city government na South Movers ay tila gawa-gawa lamang dahil ang address sa No. 3 Reparo St., Morning Subd. Caloocan City ay ‘di makita ang kumpanya.

Ang may-ari na si Azares ay tila kathang-isip lang din dahil ‘di rin makita sa nasabing address, ayon pa kay Erice.

Kung ang South Movers at ang sinasabing may-ari na si Azares ay wala sa nasabing address, kuwestiyonable, ayon pa kay Erice ang nasabing water deal na ginastusan ng mahigit P400 milyon.

Mula sa kontrata, hanggang sa may-ari at kum-panyang South Movers, kuwestiyonable. Kaya kailangang magpaliwanag si Mayor Echiverri at mga kasama nitong pumasok sa kontrata.

Bago ang pagsasampa ng kaso ni Erice, inilabas sa isang television expose ang maanomalyang water contract na ipinasok ni Echiverri et al sa South Movers.

Sinalungat ng nasabing pagbubulgar ang mga pahayag ni Echiverri sa pamamagitan ng mga video shoots na nakuha, simula sa paghahanap sa opisina ng kumpanya na napatunayang ‘fictitious’.

Ipinakita rin sa video ang pagnanakaw ng tubig mula sa Maynilad water hydrant ng mga trucks na may nakasulat na “Mayor Recom Echiverri” na inamin ng alkalde sa TV interview na pag-aari ng South Movers, subalit ayon sa LTO, pag-aari ito ng iba’t ibang personalidad.

Napag-alaman din sa Maynilad management na walang existing contract sa kanila ang Caloocan City government o ang South Movers para sila’y kumuha ng tubig sa mga water o fire hydrants ng Maynilad.

Malinaw, ayon sa Maynilad, na ninanakaw ng mga truck na may nakasulat na “Mayor Recom Echiverri” ang tubig ng Maynilad.

Wala rin umanong approval ang city council para si Echiverri ay makipagsundo sa supply ng tubig. Ang tanging pananggalang ng alkalde, ayon kay Erice, ay ang pinirmahang kontrata sa South Mo-vers na ‘di makita ang address.

At ang dalawang pinirmahang kontrata sa South Movers ay magkasalungat pa kaya nakakaduda ang kontrata, ayon pa kay Erice.

Dahil sa ginagawang mga pagbubulgar at pagsasampa ng kaso, si Erice ay target ngayon ng pananakot mula sa ‘di kilalang mga personalidad.

Pero ayon sa vice mayor, ang mga death threats ay ‘di hadlang para ihinto ang kanyang krusada para sa inaasam na pagbabago sa Caloocan.

“As long as we are correct, lumalakad at sinasamahan natin si Pangulong Noynoy Aquino sa pagtahak ng tuwid na daan, why we are afraid to do the right things? Kailangan nating manindigan sa tama. This is not the end, but the beginning of my crusade for a change to improve the governance in the city,” giit niya.

“Tapusin ang kalokohan, aasenso ang Caloocan,” ani Erice.

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.