Dahil sa ‘One-Strike Policy’ ng PNP: 10 Parak, Sibak

SINIBAK SA puwesto ni PNP chief Police Director General Alan Purisima ang 10 pulis hinggil sa ipinatutupad na “one-strike policy” at “no take policy” hinggil sa illegal gambling.

Sinabi ni PNP spokesman C/Supt. Generoso Cerbo na binubuo ng limang police community precint commanders at limang intelligence officers ang na-relieve sa kanilang puwesto dahil hindi nasugpo ng mga ito ang iligal na sugal sa kanilang nasasakupan.

Ayon kay Cerbo, ang mga police officers kasama ang kanilang intelligence unit ay napatunayang nagpabaya sa kanilang trabaho na sugpuin ang iligal na sugal sa kanilang lugar.

Layunin ng naturang policy na bigyan ng tsansa ang mga commanders sa field na patunayan ang kanilang pamumuno na paigtingin ang kampanya sa illegal gambling, giit ni Cerbo.

Base naman sa ipinalabas na memorandum circular ng Napolcom hinggil sa all-out campaign ng PNP upang sugpuin ang Jueteng at iba pang mga illegal gambling activities, ipinauubaya na sa mga regional, district at provincial directors na maghain ng administrative at criminal charges laban sa mga sinibak sa puwesto na mga police personnel.

Samantala, pinaalala-hanan naman ni PNP chief Purisima ang lahat ng mga police commander lalo na ang nasa mga lalawigan na maging mapagbantay at paigtingin pa ang kampanya para masugpo ang anumang uri ng illegal gambling sa kanilang lugar.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.