Dahil sa nakaw na kuryente May-ari ng Sari-Sari Store, Nagkagutay-gutay

NAGKAGUTAY-GUTAY ANG KATAWAN ng isang sari-sari store owner nang pagtatagain ng kanyang kapitbahay makaraaan ang isang mainitang pagtatalo hinggil sa iligal na koneksiyon ng kuryente sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Walang buhay na idinating sa Far Eastern University (FEU) Hospital si Erwin Alfonso, 31, may-asawa, may-ari ng isang sari-sari store at residente ng Malaria, Tala ng nabanggit na lungsod.

Isang alyas “Rommel”, nasa hustong gulang at kapitbahay ng biktima ang mabilis na tumakas matapos isagawa ang pamamasalang sa biktima.

Base sa ulat ni PO1 Danilo Osias, may hawak ng kaso, bandang alas-5 ng hapon nang maganap ang nasabing insidente sa harapan ng bahay ng biktima sa nasabing lugar.

Nabatid na pinuntahan ng suspek ang biktima sa kanyang tindahan at pilit na humihingi ng pera bilang kabayaran umano sa nakonsumong kuryente mula sa illegal taping na ikinabit ng suspek sa bahay ng una gayong bayad na ito.

Hindi nagkasundo ang dalawa kung kaya’t ang kanilang pag-uusap ay nauwi sa mainitang pagtatalo na kaagad namang pinayapa ng ilang kapitbahay.

Dali-daling umalis ang suspek at makalipas ang ilang minuto ay nagbalik ang huli na armado na ng jungle bolo at pagkakita kay Alfonso ay agad nitong pinag-uundayan ng taga ang una sa iba’t ibang parte ng katawan.

Nang duguang humandusay ang biktima ay mabilis na tumakas ang suspek dala-dala ang ginamit na bolo habang ang una naman ay mabilis na isinugod sa nasabing pagamutan subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ng hininga si Alfonso.

Sa kasalukuyan, nagsasagawa ng follow-up operation ang Caloocan Police sa posibleng ikadarakip ng tumakas na suspek.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.