Dahil sa nagkalat na tupadahan sa Parañaque… Mayor Bernabe, binatikos

BINATIKOS NG KANYANG mga constituent si Parañaque City Mayor Florencio “Jun” Bernabe, dahil sa umano’y pagiging inutil ng naturang alkalde sa pagsawata sa mga nagkalat na tupadahan sa lungsod .

Ayon sa mga residente ng Barangay Masville Parañaque City, mariin nilang kinondena si Bernabe dahil sa kawalan nito ng aksiyon sa mga nagkalat na tupadahan lalo na sa kanilang barangay na siyang nagdudulot ng ingay at masamang imahe sa mga kabataan.

Anila, katunayan madalas umanong may nangyayaring gulo gaya ng saksakan ng patalim sa pagitan ng mga mananaya na nagresulta ng patayan at pati na rin mga menor de edad na kalalakihan ay sumasali na rin sa naturang illegal na sugal.

Halos kahit saan sulok umano sa kanilang barangay ay lantaran ang ginagawang pagsasabong at mistulang bulag, pipi at bingi ang alkalde maging ang mga kagawad ng Parañaque City police.

“Bakit po ba mayor malaki po ba ang parating o pabaon system sa inyo ng mga operator na ito ng mga tupadahan kaya hindi niyo kayang patigilin?” pasaring pang mga tanong ng mga taga Barangay Masville kay Bernabe.

Kasabay nito, mariin rin nilang kinondena ang umano’y maagang pamumulitiko ni Bernabe sa lungsod dahil sa walang habas na pagpapapogi sa iba’t-ibang pahayagan ng kanilang mga nagawang proyekto at palaging naka-prente ang mukha ng kanyang anak na Konsehal rin ng lungsod na si Benjo Bernabe.

“Kung ganitong klase ng sitwasyon rito sa lahat ng barangay sa Parañaque, puro illegal ang umiiral at walang nagagawa ang punong lungsod paano pa namin kayo (Mayor Bernabe) muling ihalal at i-upo sa puwesto ang mga angkan ninyo, sana naman ay mag-iwan kayo ng magandang legacy sa susunod na magiging mayor ng lungsod.” Giit pa ng mga ito.

(Parazzi Reportorial Team)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.