Dahil sa mga pekeng boto…
Ilang Botante sa Pasay, Naghain ng Reklamo sa Comelec

SA PANIWALANG walang totoong nangyaring botohan sa Pasay City at mga paglabag sa Comelec Omnibus Election Code, pormal na naghain ng kanilang reklamo na ‘failure of election’ ang ilang rehistradong botante sa nasabing lungsod sa tanggapan ng Commission on Election (Comelec) sa Intramuros Maynila, kamakailan .

Sa 22-pahinang petisyon na inihain sa Comelec ni Atty. Melanio Mauricio, Jr., abogado nina Arlyn Antillon, Carolyn Proximo, Krismik Abreu, Jennifer Tabalba, Estrella Dalumpines, Rosemarie Dalumpines, Irma Magalona, May Novida, at Ana Marie Ubina, kontra kay Antonino G. Calixto, kapwa mga residente at botante ng Pasay City, na nakitaan nila ng mga paglabag sa Comelec Omnibus Election Code ang naganap na halalan.

Nakasaad din sa petisyon, na magkaroon ng mano-manong bilangan at magkaroon ng Temporary Restraing Order (TRO) hinggil sa proklamasyon ni Calixto bilang alkalde ng lungsod.

Ayon kay Atty. Mauricio, base sa mga salaysay ng kanyang mga kliyente, ilan sa mga paglabag sa Comelec Omnibus Election Code sa katatapos na eleksyon ay ang lantarang pagbili ng boto sa halagang P1,500 ng isang barangay chairman na umano’y kampi sa kampo ni Calixto.

Lumalabas din na sumobra ang bilang ng boto ni Calixto sa tunay na mga rehistradong botante sa naturang lungsod at maging ang pamimigay umano ng mga ito ng balota sa mga botante.

Maging ang PCOS (precinct count optical scan) machine na kahit palyado at iniluluwa ang papel at kahit wala pang lumalabas na “congratulation” patunay na nabasa nito ang balota ay kinukunsidera na ring bilang ang boto sa kabila ng walang kumpirmasyon mula sa PCOS machine.

“Ang isa pa sa mga nakapagtataka, pagdating namin sa eskuwelahan kung saan nakalista ang aming pangalan para bumuto ay may mga lagda na at may ibang tao na bumoto sa pangalan namin,” ani pa nila Dalumpines.

Giit pa, tanggap nila kung sinuman sa apat ang manalong mayor ng Pasay sa nakalipas na May 13, 2013 election kina Wenceslao Trinidad, Jorge del Rosario, Romulo Marcelo at Tony Calixto, basta ‘yung totoong boto lamang, walang daya at karahasang naganap.

“At tanging katotohanan lamang ang hangad namin na mangingibabaw at siya ring makapagpapatahimik sa amin,” dagdag pa ng mga ito.

Nitong nakalipas na araw ng Miyerkules, Hulyo 31, 2013, alas ng 2:00 ng hapon ay ginanap ang unang pagdinig sa tanggapan ng Comelec, kung saan binigyan ng 5-araw para ipasa ang kabuuran ng petisyon nina Atty. Mauricio.

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.