Dahil sa malawakang reporma PCSO Chair Juico, sinisiraan

PINAGDIINAN NI PHILIPPINE Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chair Margie Juico na ang walang saysay na paninira sa ahensya ay bunga ng kanyang ipinatutupad na malawakang reporma sa pamamalakad ng PCSO.

“Maraming nasagasaan. Marami kaming natuklasang anomalya at kabulukan. Ngunit katungkulan naming linisin ang masasamang elemento sa ahensya na matagal nang nagpapasasa. Katungkulan namin ito sa aming sinumpaang tungkulin lalung-lalo na para sa kapakanan ng mga mahihirap,” pahayag ni Juico sa isang TV interview ni Boy Abunda sa Channel 2.

Sinabi ni Juico na maliwanag na paninira ang akusasyon na tumanggap ang kanyang esposo, Philip, ng kickback sa P28-million komisyon na diumano’y tinanggap ni dating PCSO Advertising and Promotions Manager Manuel C. Garcia, sa dalawang ad agencies nu’ng ang huli ay nanunungkulan pa. “Mula sa nasasakupan ng taong 2008 hanggang 2010 diumano, nangyari ang pagtanggap ng kickback.  Subalit sa mga taong ito ay wala pa kami sa poder sa PCSO. Papano naman nangyari ito?” giit ni Juico.

Noong nakaraang linggo, inakusahan sa Ombudsman ng dalawang advertising agencies – Quisgem Advertising Agency at Cross Channel Advertising Services – si Garcia ng pangungurakot.

Sinabi ni Juico na maraming di kailangang proyekto nu’ng nakaraang administrasyon ang kanilang isinangtabi para ang pondo nito ay madagdag para sa serbisyo sa mahihirap. “Sa palagay ko, ang mga tinamaan ng aming reporma ang siyang pinanggagalingan ng paninirang ito,” ayon pa sa kanya.

Ipinahayag ni Juico na marami na siyang repormang ipinatutupad kagaya ng pag-aalis ng sobrang red tapes sa pag-proseso ng tulong sa mahihirap, transparent bidding, at pagpapalawak pa ng serbisyo ng ahensya. May plano ring i-computerize ang proseso ng serbisyo at magtayo ng PCSO satellite offices sa probinsya para di na pumunta sa Maynila ang mga nangangailangan ng tulong.

Inamin din ng PCSO Chair na ang mga personal na pagbatikos sa kanya at maging sa kanyang esposo ay kasama ng mga paghamon sa pagsisilbi sa bayan.  “Inaamin ko na kami ay nasasaktan at nalulungkot sa mga nangyayari.  Ngunit sa kabila ng lahat, di kami susuko sa pagtaliba sa sinumpaan naming tungkulin alang-alang sa kapakanan ng maliliit nating kababayan,” giit pa niya.

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.