Dahil sa kunsensya 2 sa 4 na Pumatay sa Retiradong Guro, Sumuko

 

DAHIL SA matinding kunsensya sa kaso ng pagpatay sa isang retiradong guro, kusang-loob na sumuko kay Malolos City Mayor Christian Natividad ang dalawa sa apat na responsable sa pamamaslang sa biktima.

Sa report na ipinadala ni P/Supt. Dave Poklay kay PNP Provincial Director P/S Supt. Fernando Mendez, Jr., kinilala ang sumuko na mga suspek na sina  Edwin Adriano aylas Tonyong Bayawak; at Romeo Ardiano, residente ng Brgy. Caingin Malolos City.

Dakong alas-8 ng gabi nang magtungo sa taha-nan ng alkalde ang dalawa upang boluntaryong sumuko, kasama ang kanilang mga magulang. Natatakot din umano sila para sa kanilang seguridad dahil sa patuloy na paghahanap ng mga awtoridad sa kanila, habang pinaghahanap pa ang dalawa pang kasamahan ng mga ito na pansamantalang hindi ibinunyag ang pangalan.

Matatandaang Marso 21 ng alas-10 ng gabi nang pasukin ng mga suspek ang

tahanan ni Luzviminda Santos,73 anyos, kung saan binugbog at binali pa ang braso ng kawawang biktima, bago tinangay ang P180K na cash at P300K na assorted jewelries na antique, kung saan lumitaw sa imbestigasyon ng mga sumuring doktor na marahil ang pagkadurog ng atay at kidney bukod pa ang malalim na sugat sa ulo ang sanhi ng kamatayan ni Santos mula sa kamay ng mga suspek.

Ayon sa solong anak ng biktima na si Cristina Santos, 39 anyos, bagama’t natutuwa siya sa pagsuko ng mga salarin, poot at galit pa rin ang nadarama nito dahil sa karumal-dumal na pagpaslang sa kanyang ina.

Kaugnay nito, nanindigan naman si Mayor Natividad na handa siyang tumulong sa abot ng kanyang makakaya para sa agarang ikalulutas ng kaso. Samantala detenido ngayon ang mga suspek sa Malolos City Jail sa kasong Robbery with  Homicide.

(TONY DELA PEÑA)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.