Dahil sa karamdaman ng alkalde… Konsehal, Itinalagang Bise-Alkalde

BUNSOD NG matinding karamdaman na dinaranas ni Malabon City Mayor Canuto Oreta at higit sa dalawang buwang hindi na pumapasok sa city hall, ang pamangkin nitong si Vice Mayor Lenlen Oreta, ang umaaktong alkalde ng naturang lungsod.

Samantala, itinalaga naman ng Department of Interior and Local Government (DILG) si 1st Dist. Malabon Councilor Diosdado A. Cunanan, bilang vice-mayor hangga’t hindi pa kayang gumanap ng kanyang tungkulin ang nabanggit na alkalde.

Ayon kay DILG Usec. Austere Panadero, kapag lumiban ang isang alkalde sa kanyang posisyon, awtomatikong uupuan ng bise nito ang kanyang binakanteng posisyon. Ganun din, ang bise alkalde na uupo sa puwesto nito ay ang unang konsehal ng lungsod o bayan.

Nilinaw rin sa kautusan na hindi rason “ang walang bakanteng puwesto” para hindi umakto bilang pansamantalang bise-alkalde ang unang konsehal kung umaaktong alkalde na ang vice-mayor.

Sa panig naman ni acting vice-mayor Cunanan, wala siyang ibang gagawin kundi ang sundin kung ano ang nakasaad sa batas at ang ipinag-uutos ng DILG.

“Para sa akin gagampanan ko lamang ang aking responsibilidad bilang isang lingkod-bayan at para umusad naman ang mga transaksiyon sa lungsod lalo na kapag may mga prayoridad na proyekto para sa mamamayan ng Malabon,” ani pa ni Cunanan.

Sinabi pa nito na hindi maaaring pagsabaying hawakan ng isang mataas na opisyal ng gobyerno ang dalawang posisyon kung kaya’t ite-turn over pa rin nito ang puwestong kanyang babakantehan sa sinumang susunod sa kanya.

Kasabay nito, hiniling din ng mga taga-Malabon na kung maaari ay ipaalam sa kanila ang tunay na kalagayan ng kalusugan ni Mayor Oreta. (MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.