Dahil sa isyu kay Marian Rivera Katrina Halili, pinatawag ng management ng Siyete

ISINUGOD SI Nadia Montenegro sa Philippines Heart Center nu’ng nakaraang Linggo dahil biglang nanikip daw ang dibdib nito at nangitim daw ang mga labi niya.

Kinumusta ng reporter namin sa Startalk kung ano na ang kalagayan ni Nadia. Medyo okay na raw ang kalagayan nito, pero hindi pa alam kung ano talaga ang sakit niya.

Ang sabi ni Ynna Asistio na nagbantay sa kanya, hindi pa raw alam kung nagka-mild stroke siya o baka epekto raw ito ng sakit niyang Woff Parkinson White Syndrome.

May ganu’ng sakit pala si Nadia na ngayon lang ito umatake uli. May kinalaman daw ito sa puso niya na parang mabilis yata ang tibok nu’ng isang valve ba? Basta sa puso rin daw ‘yun, na para magamot ito, kailangang kuryentehin daw ang puso?

Pero titingnan pa raw kung kakayanin ni Nadia, kaya pinapagpahinga muna ito.

Hindi pa nakausap ng reporter namin si Nadia, kaya hindi pa ito nahingan ng pahayag tungkol sa pagkabasura ng kasong Child Abuse na isinampa laban kay Annabelle.

Hindi ito umakyat sa korte, pero ang kasong Libel ay umakyat, at ‘yun lang ang didinggin sa korte.

Ang alam ko, ang kasong Child Abuse talaga ang gusto ni Nadia na umakyat, kaya malamang,may kinalaman itong pagkabasura ng kaso kung bakit nagkasakit siya.

Matagal pa ang itatakbo ng Libel kaya tiyagaan na lang talaga sila d’yan.

‘Di ba sabi nga ni Annabelle, madali lang ang magsampa ng kaso? Ang tanong diyan, kung may itatagal ka. Kaya tingnan na lang natin kung ano ang mangyayari d’yan at kung ano ang kalalabasan ng iba pang kasong isinampa.

ANG DAMI nang pumapatol dito sa isyu nina Marian Rivera at Katrina Halili.

Ang sabi, pinatawag na raw ng GMA-7 si Katrina para ayusin na at pakiusapang manahimik para hindi na lumaki ang gulo.

Siyempre makakaapekto rin ito sa My Beloved dahil ang dami pa raw mga eksenang magkasama silang dalawa. Kaya dapat maayos na iyan.

May mga insidente pala sa taping na muntikan na silang magbanggaan pero naayos na rin pagkatapos silang pagharapin.

Ang sabi ng ibang staff sa My Beloved, wala raw si-lang nakikitang nagmaldita si Marian kay Katrina.

Maaaring sobrang sensitive lang daw ngayon si Katrina dahil sa kalagayan niya. Natuwa nga ako nang sinabi nilang baka si Marian lang ang pinaglihian ni Katrina. Maganda nga ‘yan, para ang ganda-ganda ng anak nila ni Kris Lawrence.

Na-pack-up ang taping nila nu’ng Lunes at magre-resume ito ngayong araw. Kaya siguro okay na ‘yan sila para hindi na lumala ang isyu.

Si Marian naman daw ay dedma lang kahit nagti-tweet pa si Katrina. Ayaw naman daw niyang patulan pa ito dahil buntis nga. Kaya mabuting tahimik na lang daw siya.

Ano kaya ang masasabi rito ni Dingdong Dantes?

Tahimik lang siya dahil ayaw naman niyang maipit sa ganu’ng intriga. Pero, sana maayos na ‘yan para masaya lang sa taping.

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis

Previous articleIn Character
Next articleCecil Fernandez, gustong sumabak sa sexy indies!

No posts to display