Dahil sa Flashflood 2,000 pamilya, lumikas sa Vizmin

AABOT SA 2,000 pamilya ang lumisan sa kanilang mga tahanan sa Visayas at Mindanao bunsod ng pagbaha na sanhi ng patuloy ng ulan.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRCM) Dir. Benito Ramos,kusang nilisan ng mga residente sa Davao del Sur, Davao del Norte at Compostela Valley ang kanilang lugar sa pangambang tumaas pa ang baha at mga pagguho dahil na rin sa pag-ulan.

Bukod sa mga nabanggit na lugar, apektado rin ang mga lugar sa Visayas gaya ng Buaruen at Palo sa Leyte; Mambusao, Capiz; Baybay, Leyte; Valencia City, Bukidnon; limang barangay ng Asuncion at Carmen sa Davao del Norte; Tago, Barobo; San Miguel sa Surigao del Sur; at Compostela, Compostela Valley.

Sa report ng NDRRMC, nasa 10,000 tao na ang apektado na nasa 20 evacuation centers.

Samantala, hindi naman madaanan ang maraming kalsada sa mga bayan ng Tago, Barobo at San Miguel sa Surigao del Sur dahil sa baha.

Nananatili pa rin sa evacuation center ang daan-daang mga residente mula sa apat na mga munisipalidad sa probinsiya ng Davao del Norte bunsod ng pagbaha dahil sa patuloy na pag-ulan mula kahapon.

Ito ay kinabibilangan ng bayan ng Laak, Asuncion, New Corella, Kapalong at lahat ng nasasakupan ng Davao del Norte.

Ayon kay Kapalong Mayor Edgardo Timbol, sa ngayon ay limang barangay sa kanilang lungsod ang nakararanas ng pagbaha. Ito ay kinabibilangan ng Brgy. Capungan, kung saan umaabot sa 25 na mga pamilya ang pinalikas, Maniki na may mahigit 100 mga pamilya ang inilagay sa evacuation center, Sua-on, Florida at Semong.

Dalawang landslide umano ang nangyari sa Barangay Sua-on na naging sanhi upang hindi madaanan ang kalsada sa lugar.

Dagdag pa ni Mayor Timbol, umapaw rin ang tubig sa mga sapa sa kanilang lugar at kung magpapatuloy ang pag-ulan, tiyak na magdudulot ito ng malaking pinsala. (EUNICE CALMA)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.