Dahil sa aberya sa mock elections
Mano-manong botohan, ibalik

WALANG MASAMA kung babalik ang Pilipinas sa manual elections. Ito ang paniniwala ni dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Augusto “Gus” Lagman kasunod ng mga aberya na  nadiskubre sa mock elections noong Sabado.

Sinabi ni Lagman, ilan sa mga modernisadong bansa ay bumalik na sa manual elections dahil kuwestiyunable umano ang pagiging transparent ng automated polls.

Mas talamak na rin ngayon ang dayaan sa automated elections kumpara sa manual elections dahil parami na nang parami ang nakakaalam ng naturang computerized system, dagdag pa ni Lagman.

“May problema ang sistema.. .Ang problema pa nito, mas madali kasi automated, eh. Kung sino ‘yung may hawak ng password, kaya nilang lutuin, lahat sikreto, eh.”

“Ang isang main objection ko rito sa PCOS (precint count optic scanner) noon ko pa sinasabi, walang transparency. Alam mo ba kung paano binilang ang balota mo noong 2010? Nakita mo kung paano binilang?”

“Ang importanteng ma-automate ang canvassing dahil diyan nagkakaroon ang dagdag-bawas,” ani Lagman.

Bukod pa sa isyu ng transparency, sinabi pa ni Lagman na problema rin ng automated elections, partikular ng PCOS machine ang pag-iimbak at maintenance nito.

Hindi na dapat aniya binili ang mga nasabing makina sa Smartmatic dahil maaari namang rentahan na lang ito tuwing halalan.

Samantala, bumuwelta naman si Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr. sa mga patutsada ng dati niyang commisioner.

Sinabi ni Brillantes na ‘di hamak na mas talamak ang dayaan sa isinusulong ni Lagman na pagbabalik ng manual elections.

Magiging transparent umano ang Comelec kung mismong ang mga kritiko ng komisyon ang pupunta at titingin sa mga prosesong kanilang inaayos.

Bukas aniya si Brillantes na puntahan at personal na tiyakin ng mga kritiko ang mga sistemang kaakibat ng automated polls dahil hindi naman umano nila responsibilidad na maya’t mayang iulat ito.

Wala ring nagawa ni suhestiyon man lang si Lagman hinggil sa mga aberya ng automated elections nu’ng nasa Comelec pa ang huli, giit ni Brillantes.

Bagama’t walang garantiya, naniniwala ang Comelec chairman na maitatama na ngayong darating na halalan ang mga pagkakamali sa unang automated elections noong 2010.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

One thought on “Dahil sa aberya sa mock elections
Mano-manong botohan, ibalik

  1. Pingback: Dahil sa aberya sa mock electionsMano-manong botohan, ibalik - ShowbizNews.ph

Leave a Reply

Your email address will not be published.