Dahil kay Carla Abellana Magpinsang Sid Lucero at Geoff Eigenmann, Nagkakatampuhan?!

BILANG ANAK NI Nora Aunor, sobrang nalulungkot si Ian de Leon tungkol sa kung anu-anong intrigang naglalabasan kaugnay sa napipintong pag-uwi rito sa Pilipinas ng kanyang mommy at Superstar na si Nora Aunor. Ipinagtataka ni Ian kung bakit parang ang dami-dami raw nakikisawsaw sa usapin ng pag-uwi ng kanyang mommy. Higit sa lahat na hindi ikinatutuwa ng anak ni Christopher de Leon, ang pagkalat ng mga balita na kung sinu-sinong taga-showbiz ang gustong sumagot ng pamasahe ng kanyang mommy na nasa Amerika para lang makauwi na rito sa bansa.

Si Ian ang higit na umaasam na makabalik sa Pilipinas si Ate Guy, dahil sa kanilang pag-uusap na mag-ina, naikukuwento naman daw sa kanya ng mommy niya na gusto na rin naman daw ng premyadong aktres na muling makauwi, lalo pa’t sabik na sabik rin daw si La Aunor sa kanyang mga dating kasamahan at kaibigan sa showbiz. Nagtataka rin si Ian kung bakit ang ibang tao pa raw ang nagsasalita at nakakaalam kung kailan uuwi ang kanyang mommy.

Nagmana si Ian sa kanyang daddy na si Boyet. Kapag iniinterbyu siya, wala siyang tanong na hindi sinasagot. Pero hindi siya naaaliw kapag ang inuurirat sa kanya ay tungkol sa kanyang mommy at kung kailan nga tiyak na babalik sa bansa ang premyadong aktres. Ang alam lang daw ni Ian, hindi nawawala sa puso at desisyon ng kanyang mommy ang magbalik-bayan.

May communication naman silang mag-ina, kaya ipagsasaya na lang daw ng aktor kapag nakauwi na rito si Ate Guy.

MARAMI TALAGA ANG naiintriga tungkol sa pagkaka-link ni Sid Lucero kay Carla Abellana, na siyempre pa’y girlfriend ng kanyang pinasan na si Geoff Eigenmann.

Magkasama ngayon sa isang pelikula ng Regal Films sina Sid at Carla, pero ang tunay na boyfriend ng aktres na mas lalo palang maganda sa personal ay si Geoff. Inamin ng magandang aktres na medyo nagkaroon din sila ng konting hindi pagkakaunawaan dati ng kanyang karelasyon, pero normal lang naman daw iyon at naayos din naman kaagad.

Ang angkan nina Michael de Mesa at Mark Gil na mga anak nina Rosemarie Gil at Eddie Mesa ay hindi mahilig sa eskandalo. Pero may usap-usapan na parang nagkakalamigan nga raw ang turingan bilang magpinsan nina Geoff at Sid.  Sumingit nga kasi ang tsismis na nililigawan ni Sid si Carla. Ang palusot nila, magkasama nga lang sila sa project. Pero maraming kilay ang nakataas sa kanilang mga sinasabi. Kasi, saan daw ba nagmumula ang closeness ng mga artista, kundi sa pagsasama sa mga proyekto nila. Du’n sila nagkakahulihan ng loob, sa totoo lang.

Siyempre, maiilang umamin si Sid na type niya rin si Carla, dahil pinsan niya si Geoff. Pero may rekord kasi sa showbiz ang daddy nina Sid at Geoff na sina Michael at Mark. Noong mga bagets pa kasi ang kanilang mga tatay, nagkaroon sila ng pag-aaway, dahil na-link sila sa iisang babae, sa bold star noon na si Tet Antiquiera. Pero ang nagwagi ay si Mark, na daddy ni Sid.

USAPANG-PASKO NA TAYO. Kaya kapag Pasko ang pinag-usapan, nakabibilib sina Lea Salonga, Ai-Ai delas Alas, Ricky Reyes at Joel Cruz sa kanilang masayang paghahanda at pagdedekorasyon ng kanilang mga bahay sa ganitong panahon.  Mula pagkabata, naaaliw si Lea kapag Pasko, kaya masaya siyang magdekorasyon ng kanyang house. Bongga rin sa mga dekorasyon ang house ni Ai-Ai, at hindi raw pupuwedeng mawala ang malaking Christmas tree, dahil mahilig sa Pasko ang kanyang mga anak.

Mala-palasyo ang bahay ni Mother Ricky sa Valle Verde, kaya napakataas ng kanyang Christmas tree, at puro dekorasyon din ang loob at paligid ng kanyang house, dahil malapit sa puso niya ang salitang Pasko. Taun-taon ay iba’t ibang istilo ang mga dekorasyong pamasko ni Joel, kaya’t gumagastos siya ng malaking halaga sa dekorasyon pa lang.

ChorBA!
by Melchor Bautista

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.