Dagdag Singkuwenta Para sa Kawatan

0986797xxxx – Mr. Raffy Tulfo, dito po sa amin sa Laguna, kapag kukuha ka ng Police Clearance, si-singilin ka ng halagang P70.00 pero ang nakalagay sa kanilang resibo ay P20.00 lamang. Tinanong ko po kung para saan ang P50.00, ang dahilan po nila ay para mapabilis ang pagkuha at sandaling oras lamang ang paghihintay. Napakarami po naming kumukuha ng police clearance at sinisingil nila ng sobra. Sana po ay masugpo na ang kanilang maling gawain. Maraming salamat po.

 

0910474xxxx – Sir Raffy, nais ko pong isumbong sa inyo ang mga pulis ng San Pedro, Laguna. Kapag po sila ay nanghuhuli, paparahin ka at patatabihin sa gilid at kung anu-anong mga imbentong violation ang sasabihin. Kukunin po nila ang aming lisensiya at sasabihin na tubusin na lamang namin sa kanilang opisina. Ang masakit pa po ay walang tiket na ibinibigay kung hindi kapirasong papel lamang. Sana po ay matulungan ninyo kami na mapatigil na ang mga kawalanghiyaan ng mga pulis na ito. Umaasa po kami sa inyong agarang pag-aksyon sa aming problema.

 

0905479xxxx – Mr. Tulfo, gusto ko pong isumbong sa inyong programa ang mga pulis ng Balintawak papuntang Monumento. Sobrang kapal po ng mukha kung mangotong ang mga ito. Sana po ay mabigyan ng leksyon ang mga tiwaling pulis dito. Kayo lamang po ang naiisip namin na makakatulong sa amin. Maraming salamat po.

 

0907828xxxx – Idol Raffy, nais ko pong ireklamo sa inyo ang eskuwelahan ng aking apo. Siya po ay magtatapos na ng elementarya sa paaralan ng Binangonan, Rizal. Malaki po ang hinihingi ng eskuwelahan para sa graduation fee. Ang lahat daw po ng gastos ay aabot sa halagang P400.00. At kung hindi daw po makakapagbayad ng nasabing halaga hindi makakapagmartsa sa entablado para makapagtapos. Idol, sa katulad namin na naghihikahos ay napakalaking halaga na ito. Kaya kami po ay kumakatok sa inyong programa para mabigyang solusyon ang aming suliranin.

 

0912337xxxx – Mr. Action Man, ako po ay isang concerned citizen, dito po sa lugar ng 176, Caloocan City, ay nagkalat ang mga video karera na kinalolokohan ng mga menor de edad. Isinumbong na namin ito sa aming barangay pero nananatiling bingi at bulag ang mga ito. Napag-alamanan po namin na kaya walang nakakagalaw sa mga video karera sa aming lugar sa kadahilanan na ito ay hawak ng mga pulis. Malaki ang ibinibigay sa mga pulis kaya hindi nila ito puwedeng basta galawin. Umaasa po kami na matutugunan ninyo ang aming hinaing. Maraming salamat po.

 

0932391xxxx – Idol, Kuya nais ko pong ipaalam sa inyo ang mga kabulukan ng mga pulis sa aming lugar. Ang mga pulis dito sa Sta. Maria, Bulacan ay talagang mga imoral. Sila ang mga protektor ng mga saklaan sa aming lugar. Kahit saan ka tumingin hindi puwedeng hindi ka makakita ng mga iligal na pasugalan sa paligid. At ang pulis na nagroronda kunwari na mayroong body no. 386 ay paparada lamang sa mga bukas na kabaret. Sana po magkaroon ng karampatang solusyon ang aming problema.

 

Ang inyong mga sumbong ay masosolusyunan at mapapakinggan sa programang WANTED SA RADYO 12:30-2:00 ng hapon, Lunes hanggang Huwebes at 2-4pm tuwing Biyernes sa 92.3 News fm. At mapapanood sa Aksyon TV Channel 41.

Para sa inyong mga sumbong at reklamo mag-text sa 0917-7-WANTED o 0908-87-TULFO. Maaari ding magsadya sa aming Aksyon Center na matatagpuan sa 163-E Mother Ignacia Avenue, Brgy. South Triangle, Quezon City.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

One thought on “Dagdag Singkuwenta Para sa Kawatan

  1. Magandang Araw po Sir Raffy. Kami po ng buong pamilya ko ay natutuwa at mayroon programa ng kagaya sa inyo na maaring makatulong sa aming suliranin na napagkaitan ng hustisya.

    Ang problema po na kasalukuyang nararamdaman at nararanasan ng aking pamilya ay ang biglaang pagpanaw ng pinsan ko na si Diana Loyola, na nakatira po sa Brgy Hollywood Guiuan Eastern Samar. Siya po at ang kanyang sanggol ay binawian ng buhay noong nakaraang Linngo (Jan 25,2012) at kasalukuyan pa rin pong nakaburol sa mga sandaling eto habang ginagawa ko ang liham na to. Ang kanya pong pag panaw ay ikinabigla ng buong pamilya sa kadahilanang wala naman syang malubhang karamdaman kundi inuubo at sipon lang. Siya po ay nagdadalang tao (8months) ng mga sandaling iyon at naisipang magpacheckup sa ospital (Guiuan General Hospital) upang malaman kung ano po ang lunas. Sa mga sandali pong iyon ay nasa maayos pa sya kalagayan ( nakakapaglakad at malakas pa). Niresetahan po sya ng kung anu anong klase ng mga gamot na dapat sana ay makakapagpagaling sa kanya ngunit sa kasamaang palad ito ay nagdulot ng panghihina ng kanyang katawan hanggang sa tuluyan syang bawiaan ng buhay. Ayon po sa mga nakasaksi ( asawa at ina ng biktima), pinabayaan po sya ng doktor na nagngangalang Dra Loyola (sa kasamaang palad ay kamag anak namin ang kanyang mister). Sabi po ng doktor sa mga kaanak ng biktima ay bigyan ng oxygen o hanapan ng oxygen ang biktima at kung wala naman daw makita ay “paypayan” nalamang ito. Ngunit ayon po sa salaysay ng mga kamaganak namin ay mayroon naman daw oxygen sa loob ng ospital ngunit ayaw ipagamit ng nasabing doktora at yun daw po ay “for emergency purposes lamang”, hanggang sa unti unting naghina ang pasyente at ayon pa sa reaksiyon ng doktor ay nag “iinarte” lang daw po ang eto. Namatay ang pinsan ko ng mga oras na yun ( kung kelan sya nagpacheck up) ng hindi nya nailalabas ang sanggol sa kanyang sinapupunan, ngunit pinilit din eto ilabas sa pamamagitan ng caesarian (na ginawa lamang sa loob ng isang kwarto, na dapat sana ay sa operating room na parang hayop na kinakatay) at nabuhay pa eto ng ilang minuto ngunit sa kasamaang palad ng binawiaan din ito ng buhay sa kadahilanang hindi rin eto agad naagapan ng lunas (kagaya ng paglalagay sa incubator at oxygen) ng mga doktor. Ang pinsan ko pong eto na pumanaw ay dapat sana gagraduate ngayon Marso at isa sya sa matalinong mag aaral ng Eastern Samar State University, nakakapanghinayang at nakasakit ng kalooban ang kanyang sinapit dahil malayo pa ang mararating ng batang eto.

    Ang nasabing doktor ay marami ng natatanggap na reklamo sa aming probinsya, ngunit dahil sa sya ay maimpluwensya at mapera at patuloy syang nambibitikma ng mga mahihina at mga walang kakayahang labanan sya.

    Sana po sa pamamagitan ng liham na eto ay makatulong kahit papaano upang mabigyan ng hustisya ang kanyang pagkamatay. Batid po namin na nasa malayo ang aming probinsya ngunit kami ng aking pamilya ay malaki at malakas ang pananampalataya na eto ay mapagtutuunan nyo ng kahit konting pansin at tulong. Hindi lang po kami ng pamilya ko ang matutulungan ninyo kundi lahat ng mga naging biktima ng kanyang kalupitan.

    Lubos po kaming umaasa sa matugunan ang aming hinaing. Maraming salamat po sa pagbibigay ng konting panahon sa aming liham.

Leave a Reply

Your email address will not be published.