DA at DOTC, palpak – Osmeña

MATAPOS AKUSAHAN bilang isang poor mana¬ger si Pangulong Noynoy Aquino III at banatan ang naging kapalpakan ni Energy Sec. Jericho Petilla, dinagdagan pa ni Sen. Sergio Osmeña III ang pagbatikos sa kasalukuyang administrasyon sa pamamagitan ng pagtukoy sa umano’y dalawa pang palpak na kasapi ng gabinete nito.

Tahasang inihayag ng mambabatas ang mga umano’y karagdagan pang palpak na gabinete ng Administrationg Aquino na kinabibilangan ng mga liderato ng Department of Agriculture (DA) na si Secretary Proceso Alcala at Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary Joseph Emilio Abaya.

“Agriculture palpak, DOTC palpak,” ayon sa senador.

Wala namang sinabi si Osmeña kung bakit niya nasabi ang nabanggit na pahayag kontra sa DA at sa DOTC pero nitong mga nakaraang araw ay ibinabalita na nagalit umano ang Punong Ehekutibo kay Alcala dahil hindi nito naayos ang problema sa niyog sa mga lugar na tinamaan ng supertyphoon Yolanda.

Sa panig naman ni Abaya, pumutok ang pangalan nito nang hindi pa rin ganap na maisaayos ang mga plate number ng mga sasakyan na bagama’t ilalabas na ang bagong bersyon sa susunod na buwan ay binubuntutan pa rin ng sigalot.

Pero naniniwala naman umano ang senador na hindi matatanggal sa puwesto ang isang palpak na gabinete kung tinataglay nito ang ilang personal na katangian na kailangan para makapanatili sa kanilang mga poder.

“Kapag ikaw ay kabarilan, kamag-anak, kaklase, kapartido ay hindi ka tatanggalin,” pahayag pa ni Osmeña matapos na ibunyag ang mga naturang pagbatikos.

Tiniyak naman ng senador na nananatili siyang kaalyado ng kasalukuyang administrasyon.

“Iba ang personal na relasyon, iba ang para sa bayan. Ganu’n ang palakad niya eh, pasensya na, but I have to tell it to the people,” dagdag pa ng mambabatas.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.