Cunanan, todo-tanggi sa kickbacks

SUMALANG KAHAPON sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa PDAF scam ang nakabakasyong director general ng Technology Resource Center (TRC) na si Dennis Cunanan.

Una nang iginiit ni Cunanan na mismong sina Sen. Ramon Revilla Jr., Jinggoy Estrada, at Juan Ponce Enrile sa pamamagitan ng chief of staff nitong si Atty. Gigi Reyes ang nag-endorso, tumukoy at pumili ng mga bogus non-government organization ni Janet Lim-Napoles para mailagak ang kanilang PDAF sa mga proyektong nasa ilalim ng TRC.

Sa pagtatanong ni Senador Francis Escudero, tahasang itinanggi ni Cunanan na tumanggap siya ng kickback.

“Kung tinanggap ko at dinala ko at binitbit ko man yun kung anuman yung sinasabi na halaga partikular sa transaksyon na binabanggit, siguro po hindi siya equivalent dun sa binabanggit na kung anuman yung mga natatanggap ng head of agencies,” giit ni Cunanan.

Iginiit pa niyang ipina-verify at ipina-validate pa niya ang mga dokumentong may kinalaman sa mga NGO.

“Kung may natanggap ho ako, hindi siguro ako magbe-verify, magba-validate ng mga dokumento… kung may natanggap ho ako, siguro ako pa mismo ang magmamadali para maproseso ang mga dokumento.”

Sa katunayan aniya, marami siyang naipa-blacklist na NGO kabilang ang isang nire-represent ni Benhur Luy, na isinumite nila sa Commission on Audit (COA) na nagbigay daan para sa pagsasagawa ng ahensya ng special audit.

“Your honor, kung ako e accomplice dun sa mga issues na nangyari, bakit noong ako na ang naging head ng agency, ipina-verify ko uli itong mga NGOs na ito to the extent na inabutan po na na-blacklist ko yang mga yan.”

Samantala, naging emosyonal din si Cunanan sa kanyang ginawang pagtanggi.

“Sa sitwasyon po kung nasaan ako ngayon… napakadali na pong gawin niyan ngayon dahil ito na ang sitwasyon para maabswelto at lahat pero sa konsensya ko po, sa konsensya ng pamilya ko, mahirap pong umamin ng hindi totoo.”

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.