Cudia, suko na sa pagsusundalo

MATAPOS NA hindi makasama sa graduation ng Philippine Military Academy (PMA), nais na lamang  ni Cadet 1st Class Jeff Aldrin Cudia na malinis ang kanyang pangalan mula sa kontrobersyal na isyu.

Ayon sa ama ni Cudia na si Renato, hinihingi na lamang nila ang diploma ng kanyang anak mula sa PMA.

“Ang layunin po ng aming pagsasampa ay upang malinis ang aming pangalan, makuha ang diploma upang makapagpatuloy sa pag-aaral ang aming anak,” pahayag ni Ginoong Cudia.

Samantala, naghain naman ng petisyon si Public Attorney’s Office chief Persida Acosta sa Supreme Court (SC) para ibigay ng PMA ang diploma ng kadete at ang pagdeklara sa kanya bilang “honorable dismissal”.

Magtatapos sana bilang salutatorian si Cudia ngunit hindi natuloy dahil sinipa ang kadete sa paglabag umano sa Honor Code ng PMA matapos magsinungaling sa dahilan ng kanyang pagkakahuli ng dalawang minuto sa klase.

Inihayag ni Acosa na walang “due process” na nangyari nang patalsikin si Cudia.

“Dapat pinatutupad ang Honor Code na may hustisya,” pahayag ni Acosta.

Ayon pa sa nakatatandang Cudia na nais na lamang ng kanyang anak na ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral.

Inihayag pa ng ama ng kadete na naghain sila ng hiwalay na petisyon sa mataas na hukuman para hilingin kay Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III na maglabas na ng desisyon sa kaso ni Cudia.

Bilang punong ehekutibo ay si Aquino ang tumatayong commander-in-chief ng buong sandatahang lakas.

“Pinapaghintay kami ng isang linggo, pero dumating na po ang takdang oras na hiningi n’ya sa’min at wala po kaming na-receive na sulat na may pasabi. Kaya muling kumakatok kami sa Supreme Court.”

Maaalala na nauna nang ibinasura ng SC ang petisyon ni Cudia na pigilan ang desisyon ng PMA para makasama ang kadete sa graduation.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.