Cristy Fermin: Tampo lang daw kay Boy Abunda; galit naman kay Kris Aquino!

HINDI ITINATANGGI NI Cristy Fermin na may tampo pa rin nga siya kay Boy Abunda. Pero bukas naman daw ang kanyang pinto sa posibilidad na magkaayos sila.

“Kung kailan? Hindi siguro kailangang pilitin ng panahon,” aniya. “Alam ko, isang araw ay magkikita rin kami sa gitna na walang nagtutulak sa amin kung kailan kami magbabati. Kasi gusto ko rin namang pahalagahan ‘yong pinagsamahan namin.”

Tampo lang ang kinikimkim niya kay Kuya Boy. Pero para kay Kris Aquino, galit talaga ang namamayani sa dibdib ni Tita Cristy na talaga namang para siyang nakakainom ng ubod ng asim na suka kapag naririnig ang pangalan nito.

Tanong nga namin, ano kaya ang puwedeng gawin nitong si Kris para mawala ang poot sa puso niya?

“Ipasigaw muna niya kay Baby James ‘yong Erap!” Natawa, pero nakaarko ang kilay na sabi ni Tita Cristy. “’Di ba, isinigaw na rin lang ni Baby James ang pangalan ni Villar. Eh, ‘di pati si Erap na rin. Alam n’yo ba ang tsika? Pati campaign jingle daw ni Villar, kabisadong kantahin ni Baby James! Ha-ha-ha!”

Pagkasabi no’n, ayaw nang magsalita pa ni Tita Cristy tungkol kay Kris. Hindi naman daw ito bahagi ng kanyang buhay kaya care niya. Basta masaya raw siya sa takbo ng buhay niya right now lalo pa’t nagbabalik-hosting siya sa telebisyon sa showbiz talk show na Paparazzi kasama sina Ruffa Gutierrez at Dolly Anne Carvajal.

Supposedly, kasama sana rito si Mo Twister na sa kasalukuyan ay nagku-co-host pa rin kina Pia Guanio, Raymond Gutierrez, John Lapus, at Rufa Mae Quinto sa Showbiz Central. Kaya lang, hindi umubra ang planong paglipat nito sa TV5 dahil sa May pa pala matatapos ang kontrata nito sa GMA-7.

Speaking of Paparazzi, bongga ang staff ng showbiz talk show na ito, huh! Pinaghalo ang Kapamilya at Kapuso production people who still works for both networks pero sanib-puwersa sila working with TV5.

Ang taray!

BALITANG MALUKA-LUKA AT kandaiyak sa sobrang pagkawindang ang isang model-beauty queen na girlfriend ng isang aktor dahil sa tsismis na nakatsuktsakan ng huli ang ex-wife ng isang male singer. Ang akala raw kasi ng model-beauty queen na ito, wala na siyang kaagaw sa nasabing aktor. ‘Yon pala, hindi pa rin kuntento sa kanya ang aktor at suma-sideline pa sa iba.

Kunsabagay, noon pa man ay talagang may tatak na ng pagiging babaero ang aktor na ito. Kahit saang lugar daw ito mapunta, talagang laging naghahanap diumano ng makaka-one night stand.

May nakakatawang kuwento pa nga ang ilang kabarkada nito na nakasama ng aktor na bumiyahe abroad. Talagang hindi raw mapakali ang aktor hangga’t hindi nakaka-pick up ng babaeng maiuuwi sa hotel na kanilang tinutuluyan.

Nagtatanong nga raw ito ng condom pero sa malas ay wala ni isa sa mga kasama niya ang may dala. Eh, atat na atat na raw magparaos ang aktor. At ang napagdiskitahan na lang daw na gawing condom, ‘yong plastic shower cap na karaniwang nakikita sa banyo ng mga hotel.

Talagang inulan daw ng kantiyaw ang aktor mula sa mga kaibigang kasama niya that time.  Katwiran na lang daw nito, kesa naman daw makipag-sex siya nang walang proteksiyon, eh, ‘di kahit shower cap na lang.

Ngayong nabuko ang aktor ng girlfriend niyang model-beauty queen na may kinakalantare pa pala itong iba, hindi nakapagtataka kung one of these days ay mapabalitang break na sila. Kasi’y sobrang hurt nga raw ang model-beauty queen talaga.

‘Yon na!

Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan

Previous articleJennylyn Mercado, pinatatahimik ang dating idine-date na si VJ Andrei!
Next articleKris Aquino, masisibak sa Dos?!

No posts to display