Cristine Reyes, nakikitulog kay Dennis Trillo by Gorgy’s Park

SA AKING PALAGAY, hindi na papansinin ni Ma’am Wilma Galvante ang panibagong bintang sa kanya ni Tita Anabelle Rama na siya raw ang nasa likod nang pagdedemanda ni Lorayne Pardo (asawa ng namayapang PA ni Richard Gutierrez).

Pinagbintangan niyang si Ma’am Wilma ang nag-ayos ng pa-presscon ni Lorayne para magsalita laban kay Richard at sa pamilyang Gutierrez.

Hindi ko pa nakakausap si Ma’am Wilma pero mukhang hindi na niya ito papatulan dahil mas marami pa siyang puwedeng pansinin na mas mahalaga at kapatul-patol.

Naka-focus lang siya ngayon sa kasong isinampa laban kay Tita Anabelle.

Matindi na naman ang mga binitiwang pahayag nitong Lorayne laban kay Richard. Pinabulaanan niya ang sinabi nina Richard na humihingi siya ng apat na milyong piso.

Ang gusto lang naman daw niya, makausap nang masinsinan si Richard para tanungin kung ano talaga ang nangyari. Pahayag nito sa isang radio interview, “Ang gusto ko lang namang malaman kung ano talaga ang nangyari sa aksidenteng ‘yun. Alam ng mga anak kong namatay ang tatay nila sa aksidente, pero ‘pag nagtanong sila kung paano nangyari ‘yun, ano ang isasagot ko sa kanila?”

Nakahanda naman daw sina Tita Anabelle na harapin itong demandang isinampa ni Lorayne, at mukhang desidido na talaga ang huli na ituloy ang kaso at hindi ito magpapaareglo.

MINSAN LANG MAGSALITA si Tito Eddie Gutierrez pero ngayon, nagbigay na rin siya ng kanyang pahayag kaugnay sa gulong ito.

May exclusive interview sa kanya si Ricky Lo na mapanood sa Startalk sa darating na Sabado,

Ani Tito Eddie, “Nalulungkot ako kasi ang feeling ko we were fair. We tried our best and Richard specifically helped already by giving the son of Nomar education before it happened. So, parang hindi nila na-appreciate ‘yung tulong na ginawa ni Richard bago ang aksidente.”

Natawa na lang si Tito Eddie sa mga pinagdaanan ng kanilang pamilya. Mukhang hindi naman daw sila nauubusan ng mga ganitong pagsubok, pero kaya naman daw nilang harapin ito.

“Hindi na bago sa amin ito. Pero hindi kami nagwawatak-watak. We put our resources together at sama-sama naming hinaharap ang lahat ng mga problema at intrigang dumarating sa buhay namin,” mahinahong pahayag ni Tito Eddie.

HINDI NA NGA natuloy ang pagbalik ni Cristine Reyes sa GMA-7 dahil nakatakda na pala itong pumirma muli sa ABS-CBN 2.

Hindi pa niya masasabi kung ano ang gagawin niyang programa sa Kapamilya network pero may narinig akong kasali siya sa isang teleserye. Pero mukhang malabo na siyang bumalik sa Banana Split dahil hindi pa rin naman sila nagkaayos ng mga dati niyang kasamahan du’n.

Walang komento si Cristine sa pagkaka-link ngayon ni Dennis Trillo kay Pauleen Luna.

Nagkaroon daw sila ng bonding ni Pauleen nu’ng nasa GMA-7 siya at wala naman daw siyang masasabi kung meron ngang pagtitinginan ang dalawa.

Pati ang pagiging close nito sa Mommy ni Dennis, sinagot rin nito dahil noon pa man ay close na raw siya sa ina ng dating boyfriend.

Kapag natutulog daw siya kina Dennis, doon daw siya sa kuwarto ng Mommy ng aktor natutulog. Kaya nagkaroon daw sila ng bonding na hanggang ngayon ay naipagpatuloy pa rin naman nila.

By Gorgy’s Park

Previous articleHalikang Sam Milby at Bea Alonzo, ‘di na mabilang by Boy Abunda
Next articleConflict sa GMA inaayos ni Dingdong Dantes by Ronnie Carrasco III

No posts to display