Cristine Reyes, nagpaayos ng ilong!

KASALUKUYANG NASA bansa na pala ulit ang Thai actor na si Mario Maurer para sa shooting ng pelikula nila ni Erich Gonzales na may working title na Suddenly It’s Magic na ididirihe ni Rory Quintos, tsika ng aming reliable source.

Nu’ng Linggo o Lunes lang daw dumating dito si Mario na dumiretso agad sa Ilocos Sur para maumpisahan ang shooting nila ni Erich.

Sampung araw raw ang itatagal ng shooting sa Ilocos Sur bago tumungo ang mga ito sa Bangkok, Thailand  para sa ilan pang mga eksenang kukunan.

The Mario-Erich movie is, of course, under ABS-CBN Film Productions, Inc. Pero bago natin mapanood ‘yan, nakatakda munang ipalabas ang Born To Love You sa May 30 na unang pagsabak sa pelikula ni Angeline Quinto at first time na pagbibida naman ni Coco Martin sa mainstream film kung hindi kami nagkakamali.

Kasunod n’yan ay ang Kimi Dora and the Temple of Kyeme ni Eugene Domingo kasama sina Zanjoe Marudo at Dingdong Dantes sa June 13 na co-produce ni Piolo Pascual.

S’yempre, congratulations to Piolo and Angelica Panganiban for the box-office success of their first movie team up na Every Breath U Take, kahit tuluyan na nga silang naghiwalay ng landas ng kanyang ex-boyfriend na si Derek Ramsay. P10-M daw ang gross ng pelikula sa 1st day of showing nito.

Sa grand presscon nga nito noong April 26, marami ang nakapansing tila malungkot ang mga mata ni Angelica.

May nakapagsabi rin sa amin na nu’ng mga panahon daw na ‘yon ay baka tumawag diumano si Derek sa mommy ng aktres na ayaw raw nitong ipasagot.

Nabalitaan din namin noon na mula sa south area ay lilipat na diumano si Angelica sa bago nitong bahay sa Quezon City.

Naalala tuloy namin ang guesting ng aktres sa birthday episode ni Vice Ganda sa sarili nitong show na Gandang Gabi Vice nang sabihin ni Angelica sa komedyante na bilang sa bandang south daw s’ya nakatira at bihira s’yang pumunta ng Quezon City ay pumunta s’ya sa Sky Dome sa SM North EDSA para lang sa birthday nito.

Ang alam namin ay sa Parañaque City nakatira si Derek.

MAY NAKAPAG-TSIKA sa amin na bago mag-Holy Week daw naisip diumano ni Cristine Reyes na magpatangos pa lalo nang matangos na naman n’yang ilong.

Napansin din kasi namin, bukod sa mga nagsasabi sa amin, na biglang tumaas at tumangos lalo ang ilong ng aktres nang mapanood namin ito sa teleserye nila nina Piolo Pascual at Jericho Rosales na Dahil sa Pag-ibig.

May nakapagsabi nga sa amin na kaya raw pala parang namamaga ang ilong ni Cristine ng tanggapin nito ang Box-Office Queen award sa Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation 43rd Box-Office Entertainment Awards noong April 29 ng gabi.

Maging ang manager daw ni Cristine na si Veronique del Rosario-Corpus  ay nagulat sa diumano’y biglaang pagde-desisyon nito na magpaayos ng ilong.

Nabigla rin kaya si Rayver Cruz sa hakbang na ginawa ng kanyang controversial girlfriend o in fairness, nagsabi naman si Cristine sa kanya?

NALUNGKOT DAW si Mayor Hubert Atienza Dolor ng Puerto Galera, Oriental Mindoro nang tila hindi naipalabas diumano nang buo ang panayam sa kanya sa isang TV news program tungkol sa problema sa sewage system sa ilang lugar doon na malapit sa dagat.

Nadatnan na raw ni Mayor Dolor, na isang medical doctor bago ito pumasok ng pulitika, ang nasabing problema nang maupo ito noong 2007, kaya naman taong 2009 ay pinaumpisahan na raw nito ang pagpapagawa ng sewage water treatment plant on SWTP.

Kamag-anakan pala ni Mayor Dolor ang dating alkalde ng City of Manila na si Lito Atienza at si Kuya Kim Atienza.
Franz 2 U
by Francis Simeon

Previous articleHulidapers
Next articleTest image

No posts to display