CRIME SCENE NI SEC. REYES, BANTAY-SARADO PA RIN NG PULISYA

BANTAY SARADO PA rin ng Marikina PNP ang puntod ng mga magulang ni dating AFP Chief at Energy Secretary Angelo Reyes sa Loyola Memorial Park sa Brgy. Tumana, Marikina City, kung saan ito nagpakamatay kamakalawa ng umaga.

Ayon kay P/C. Insp. Earl Castillo, Deputy Chief for Operation ng Marikina PNP, tuloy pa rin ang kanilang pagbabantay sa crime scene sa utos ni NCRPO chief P/Dir. Nicanor Bartolome para sa anumang kaganapan.

Maging ang police line ay hindi pa rin inaalis at bawal pa itong lapitan ng walang pahintulot.

Samantala, inihayag ng pulisya na itinuturing na “case closed” na at wala nang dapat pang imbestigahan ang pulisya hinggil sa pagkamatay ng dating kalihim.

Sinabi ni Sr. Supt. Romeo Magsalos, hepe ng Marikina City Police, wala silang makitang “foul play” sa insidente bukod pa sa mga testimonya ng mga caretaker at empleyado ng Loyola Memorial Park na nakakita sa ginawang pagpapakamatay ng dating kalihim sa pamamagitan ng pagbaril sa kanyang sarili.

“Iisa ang sinasabi sa sworn statement ng mga testigo na sadyang nagbaril sa kanyang sarili ang biktima.” Ayon kay Magsalos.

Sinabi naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Nicanor Bartolome na maging ang pamilya ng dating kalihim ay tumanggi na umanong  isailalim pa sa awtopsiya ang labi ng kanilang mahal na yumao sa buhay dahil mismong dalawang anak, body guard at driver ay alam din ang buong pangyayari.

“Nandoon din kasi sa sementeryo at kasama ng heneral ang kanyang dalawang anak noong naganap ang insidente at alam din na sadyang nagbaril sa kanyang sarili ang kanilang ama kaya suicide talaga ito at maituturing ng case closed na,” sambit naman ni Bartolome.

Nabatid na si John at Carlo Reyes, ang kasama ng dating kalihim na nagtungo sa puntod ng kanyang inang si Purificacion na nakalibing sa Loyola Memorial Park sa Marikina City noong Lunes ng umaga.

Matapos umanong lumuhod at magdasal ang da-ting kalihim sa harap ng puntod ng kanyang ina, binunot nito ang kanyang kalibre .45 baril, itinutok sa kanyang dibdib saka kinalabit ang gatilyo at umalingawngaw ang isang putok.

Duguang bumagsak sa damo ang dating kalihim, ngunit mabilis na isinugod sa Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City, kung saan ay ginawa ng mga doktor ang lahat ng kanilang makakaya ngunit hindi rin naisalba ang kanyang buhay dahil sa isang tama ng bala sa dibdib na naglagos sa puso at likod. (GIGI CONVOCAR)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.