Credit assistance sa mga OFW, inihirit ni Sen. Poe

NAIS NI Senator Grace Poe -Llamanzares na magkaroon ng credit assistance o magpautang sa mga overseas Filipino worker (OFW) upang maiwasan ng mga ito na manghiram na may malalaking tubo.

Sinabi ng senadora na dapat na magkaroon ng ganitong programa ang pamahalaan, lalo na sa mga paalis na mga manggagawang Pinoy.

“The government should extend all the assistance it can give to our modern-day heroes. Many of our OFWs are neck-deep in debt even before they leave the country due to high cost of deployment fees,” ani  Poe.

Base sa kanyang Senate Bill No. 1421, ang lahat ng OFW na mayroon nang kontrata na aprubado ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ay puwedeng makautang ng P50,000 mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Babayaran nila ang inutang sa loob ng isang taon na hindi dapat lumagpas sa interes na anim na porsiyento, na ang OFW naman ang pipili ng bangko na kukuha ng amortisasyon mula sa kanyang mga padala.

Bukod sa sertipikasyon ng OWWA, kabilang din sa mga dokumentong kai-langan ang employment contract, plane ticket, bank account na sertipikado ng recruitment agency at ng POEA.

“More than being referred to as modern-day heroes, OFWs are considered as a vital partner of the Philippine development with their remittances contributing to the economy at around $24 billion per year,” ayon pa sa mambabatas.

Samantala, aabot sa 2.2 milyong manggagawang Pinoy ang nasa ibang bansa na karamihan ay nasa Middle East, kasunod ang Singapore at Hong Kong.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.