Corruption sa DPWH Nagpapatuloy

KUNG INAAKALA NG taumbayan na matapos ang ginawang mga pagbubulgar ni Pangulong Benigno Aquino III hinggil sa mga anomalya noong nagdaang administrasyon ay may masisibak na mga tiwaling opisyal, nagkamali sila, dahil kahit sa Department of Public Works and Highways na pinaniniwalaang pugad ng corruption ay walang nasibak!

Dahil dito, ngitngit ang nadama ng ilang nasa rank and file na kawani ng DPWH sapagkat ni isa man sa mga corrupt na Regional Director ay walang nasibak o nailipat man lang. Sa halip, patuloy na namamayagpag ang mga ito sa kabila ng pagkakasangkot nila sa paglustay ng pera ng bayan noong nakaraang administrasyon.

Ayon sa nasabing mga kawani, tila pipi at bulag itong kasalukuyang administrasyon kahit hawak na nila ang malakas na ebidensiyang nagpapatunay na nagkaroon ng bidding collusion at over-pricing sa napakaraming project noong panahon ni dating Pangulong Arroyo, tila wala pa ring nakikita si DPWH Sec. Rogelio Singson.

Ilan lamang sa binanggit na maanomalyang proyekto umano ay ang P2.32 bilyon Marikina-Infanta Road, P8.17 bilyon na tatlong project sa lalawigan ng Palawan, P2.4 bilyon Cebu North Coastal Road, at ang P4.70 bilyon Pinatubo Hazard Urgent Mitigation project.

Kasama rin ang 1.4 bilyon CP-I Allen-Malaga Road Section, 2.4 bilyon CP-II Malaga-Calbayog Road Section sa Northern Samar at ang 1.8 bilyon Cavite/ Nasugbo Tunnel.

Maging ang mga opisyal na sangkot sa mga hao-shiao na flood control projects sa Catandunaes, Legaspi, Romblon at Leyte na ibinulgar ni Senador Franklin Drilon kamakailan, hindi man lang umano natitinag sa kabila ng kaliwa’t kanang batikos ng mga mamamahayag.

Dahil dito, ang inaasam na pagbabago sa nasabing departamento ay ipinalalagay na lamang ng mga maliliit na kawani na tila “bangungot” at hindi na magaganap sa ilalim ng bagong administrasyon dahil wala pa umano silang nakikitang hakbang na sadyang desidido si P-Noy na linisin ang pamahalaan at itutok sa matuwid na daan.

(FROILAN MORALLOS)

3 katao patay, 1 sugatan

MADUGONG UNDAS SA CAMANAVASa magkakahiwalay na insidente sa Camanava, sa kasagsagan ng pagdiriwang sa Undas, umabot sa tatlong katao ang patay at isa pa ang nasa malubhang kalagayan sanhi ng iba’t ibang karahasan.

Sa Caloocan City, patay ang isang binatilyo matapos saksakin ng karibal nito habang ang una ay naglalaro ng basketball kamakalawa bandang alas-2 ng hapon.

Dead on arrival sa Jose Rodriguez Hospital sanhi ng saksak sa dibdib si John Russel Suyod, 15, ng Phase 7-B, Bagong Silang ng lungsod.

Pinaghahanap naman ng mga pulis ang suspek na si Bejay Felizar, 19, ng Phase 2, ng nasabi ring lugar kung saan “selos” umano ang itinuturong dahilan ng pananaksak.

Sa Malabon City naman, patay ang isang mister matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang lalaki habang ang una ay nagpapahinga matapos makipag-inuman sa kanyang mga kaibigan kamakalawa ng gabi.

Dead on the spot sanhi ng mga tama ng bala sa ulo si Melvin Sungahid, 29, ng Flovi-2, Letre, Tonsuya ng lungsod.

Batay sa ulat, alas-11 ng gabi, nagpapahinga ang biktima sa Flovi 4 matapos makipag-inuman nang lapitan ito ng suspek at pagbabarilin.

Kasalukuyan namang hinahanap ng mga pulis ang suspek na agad na tumakas matapos ang pamamaslang.

Sa lungsod naman ng Navotas, humabol sa Todos Los Santos ang isang mister matapos pagsasaksakin ng “tukayo” nito sa Navotas kahapon ng umaga.

Namatay habang ginagamot sa Tondo Medical Center sanhi ng mga saksak sa katawan si Orlando Pulitan, 45, ng Estrella St., Navotas West ng lungsod.

Pinaghahanap naman ng mga pulis ang katukayo ng biktima na si Orlando Ramirez, nasa hustong gulang at kalugar din ng biktima.

Sa ulat, alas-6 ng umaga habang nakatayo ang biktima sa Estrella St., nang dumating ang suspek at walang salitang pinagsasaksak si Pulitan.

Matapos ang insidente ay tumakas ang suspek habang dinala naman ang biktima sa TMC. Inaalam na ng mga pulis ang ugat ng pananaksak.

Sa Valenzuela City, isang leksiyon ang natutunan ng isang mister: “Huwag basta magbubukas ng pinto,” dahil baka kaaway mo na ang biglang bumulaga sa iyo!

Sa ngayon ay inoobserbahan sa Valenzuela General Hospital sanhi ng saksak sa leeg si Edwin Ariola, 36, ng T. Santiago St., Paso De Blas ng lungsod.

Nadakip naman ang suspek na si Lito Siervo, 40, at kapitbahay ng biktima.

Sa ulat, alas-8:30 ng gabi, nanonood ng telebisyon ang biktima sa loob ng kanilang bahay nang makarinig ng mga katok sa pintuan.

Dahil dito, dali-daling binuksan ng biktima ang pintuan kung saan ito ay sinalubong ng saksak ng suspek na naging dahilan upang dalhin sa VGH habang nadakip naman si Siervo ng mga pulis.

(Mary H. Sapico)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.