Corona, Pinagtalunan Magkumpare, Nagsaksakan

NAUWI SA saksakan ang masayang inuman ng isang magkumpare makaraang magduwelo ang mga ito na ikinamatay ng isa habang nasa kainitan ng kanilang pagtatalo hinggil umano sa pagkakatanggal bilang Supreme Court Chief Justice ni Renato Corona kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.

Namatay sa lugar ng pinangyarihan ng insidente sanhi ng maraming tama ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktimang si Rodney Cervantes, 30, ng Phase 2, Package 2, Block 45, Lot 9, Bagong Silang ng nabanggit na lungsod.

Kasalukuyan namang nagtatago at pinaghahanap na ng mga awtoridad ang suspek na nakilalang si Ryan Soliman, 25, walang hanapbuhay at kapit-bahay ng biktima.

Sa ulat ni PO2 Alcee Jomacquio, may hawak ng kaso, dakong alas-2 ng umaga kahapon nang maganap ang nasabing duwelo ng magkumpare sa harap ng bahay ng biktima.

Nabatid na ang magkumpare ay nakitang masayang nag-iinuman at nagpapahayag umano ang bawat isa ng kanilang kuro-kuro hinggil sa pagkakatanggal ni Corona bilang chief justice na humantong sa isang mainitang pagtatalo.

Napag-alaman pang habang nasa kainitan ng pagtatalo ng magkumpare ay nagkapikunan umano ang dalawa dahilan upang ang bawat isa ay magsibunot ng patalim na humantong sa duwelo.

Makalipas ang ilang minuto ng duwelo, isa sa mga biktima ay tinanghal na isang malamig na bangkay habang ang suspek ay mabilis na tumakas sa hindi nabatid na direksiyon.

Sa kasalukuyan, nagsasagawa ng follow-up operation ang Caloocan PNP sa posibleng ikadarakip ng suspek.

(ROMAN MAGPOC)

 

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.