Contractor ng basura ng fastfood chain, kakasuhan

ISANG CONTRACTOR ng basura ng isang fast-food chain ang nakatakdang kasuhan ng Department of Traffic and Management (DPSTM) ng Caloocan City dahil sa paglabag sa Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act dahil sa pagtatapon ng basura sa harap ng isang pampublikong paaralan sa Caloocan.

Kinilala ni DPSTM-North head Jay Bernardo ang mga suspek na sina Val Mosqueda, driver, ng 916 Susano Road, Novaliches, Quezon City at Jerry Palma, pahinante habang sila ay nagtatapon sa harapan ng Deparo Elementary School sa Brgy. 168 bandang alas-2:45 ng madaling-araw.

Nahulihan ang sasakyang minamaneho ni Mosqueda na may lulan na mahigit sa 10 malalaking garbage bag na naglalaman ng mga iba’t ibang uri ng basura mula sa fastfood chain na matatagpuan sa kahabaan ng Quirino Highway, Lagro, Quezon City.

Ayon kay Bernardo, hango sa imbestigasyon na ginawa ng mga tauhan ng DPSTM, nasambit ni Mosqueda na sila ang nakakontratang humakot ng basura ng Jollibee Lagro.

“Mahigpit na pinababantayan ni Mayor Oca (Malapitan) ang mga natanggap naming rek-lamo at impormasyon na may nagtatapon ng basura sa iba’t ibang lugar dito sa Caloocan,” dagdag pa ni Bernardo.

Agad ding pinag-utos ng mayor sa DPSTM at ESS na pagbutihin ang pagbabantay sa mga pumapasok na sasakyang may lulang basura.

Base sa nakalap, ang contractor ng Jollibee Lagro ay kinilalang si Mary Grace Palma.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.