Construction Worker, Itinumba ng Kaibigan

ISANG CONSTRUCTION worker ang binawian ng buhay matapos na saksakin ng kanyang kaibigan matapos na magtalo ang mga ito dahil sa pinagbentahan ng gamit sa pagwe-welding sa Brgy. Manggahan, Pasig City kamakailan.

Isang saksak sa dibdib ang ikinamatay ng biktimang si Sherwin Morado, 24, at residente ng Guyabano St., Napico, Brgy. Manggahan, Pasig City.

Sa ngayon, patuloy namang pinaghahanap ng mga kinauukulan ang salarin na nakilalang si Archie Banez, 22, kapitbahay at kaibigan ng biktima.

Base sa report ni PO3 Melvin Mendoza, may hawak ng kaso, lumilitaw na nangyari ang insidente dakong alas-8:00 ng gabi sa kahabaan ng Guyabano Street. Bago ang krimen ay magkasama umano ang magkaibigan, nang maalala umanong hanapin ng suspek ang pinagbentahan ng welding rod sa biktima.

Wala naman umanong naibigay ang biktima dahil sa hindi pa umano naibebenta ang welding rod dahilan upang magtalo ang mga ito nauwi sa suntukan, hanggang sa saksakin ng salarin ang biktima, at saka tumakas.

Samantala, naisugod pa sa ospital ang biktima ngunit hindi rin nailigtas.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.