CONGRATULATIONS! APRIL GUSTILO, MAY BAGO NANG KARERA!

SIMPLE LANG ANG linyang isinisigaw niya sa noontime show na Wowowee noon – ‘Congratulations!’, pero sanlaksang kasiyahan naman ang dulot nu’n sa sinumang contestant ng programa ni Willie Revillame. Isa lang naman kasi ang ibig sabihin nu’n, uuwing may bitbit na prize, cash man or in kind, ang naturang contestant.

Sino nga ba ang nagmama-yari ng boses na ‘yon?

Siya si April Gustilo – o mas kilala sa mundo ng telebisyon na si ‘Congratulations!’

Nang mawala ang Wowowee sa TV station ng ABS-CBN, nagpatuloy pa rin ang career ni April bilang si ‘Congratulations!’ ni Willie sa bago nitong programa sa TV5, ang Willing Willie.

Kung tutuusin, hindi kumpleto ang malaganap na programa kung hindi maririnig ang pagsigaw ni April ng simpleng katagang ‘yon na naging bukambibig na rin ng lahat ng sumusubaybay kay Willie at sa programa nito.

Pero alam n’yo ba na taliwas ang sinasambit ni April na ‘Congratulations!’ sa naging kapalaran niya nang hindi siya palarin na magwagi sa isang contest ng Wowowee noon? Pero naka-guhit yata sa kapalaran niya na maging bahagi ng mundo ng telebisyon at ng mga programa ni Willie.

Pero sa ngayon, iiwanan pansamantala ni April ang mundong ito. Nagdesisyon si ‘Congratulations!’ na tahakin ang isang bagong landas na sa palagay niya ay mas makapagbibigay ng mas magandang kinabukasan sa kanya – ang pag-aaral.

Hindi na muling maririnig ang pagsigaw niya ng ‘Congratulations!’ Kung may hahalili man sa kanya, tiyak na hindi na ‘yon magiging kasing sidhi ng kagalakan na namumutawi sa kanyang mga labi.

Sa pamamaalam ni April sa limelight, ilang katanungan din ang iiwanan niya na kailangang mabigyan ng linaw.

Kilala si Willie sa kontrobersyal na pagbabago-bago sa kanyang programa. Talaga bang nagpaalam si April upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral? O may iba pang dahilan kung bakit kailangan niyang talikuran ang isang bagay na natutunan na rin naman niyang mahalin?

Sa aming maikling panayam kay April, ta-nging ang pag-aaral ang ibinigay niyang dahilan kung bakit mawawala na siya sa Willing Willie. Pero hindi naman daw niya isinasara ang kanyang pintuan sa posibilidad na babalikan niya pa rin ang naging buhay niya sa showbiz. Masaya siya sa mundong ito. Dito rin daw siya nakagawa ng kanyang munting pangalan. Kaya mahirap daw itong basta na lang talikuran ni ‘Congratulations!’

Sa kanyang bagong kakaharaping karera, ang tanging masasabi namin at ng kanyang mga tagahanga – ‘Congratulations,  April!’

Photos by Mark Atienza and Parazzi Wires


HotSeat-HotShot!
By Ronald M. Rafer

Erik Borromeo

About the Author

has written 46 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.