Condom nilalaro ni Sen. Sotto at gambling sa Lipa City

 

NAKIKIUSAP NA SI Sen. Pia Cayetano kay Senate majority leader Vicente “Tito” Sotto III na kung maaari ay tapusin na ang debate sa Senado hinggil sa “palasak” nang usapin sa Reproductive Health (RH) Bill.

Ito, ayon pa kay Sen. Cayetano ay upang mapagbotohan na ang nasabing bill para magkaalaman na kung papasa ba ito o hindi na maging batas.

Pero mariing tinanggihan ni Sen. Sotto ang nasabing pakiusap. Ang dahilan ni Sotto ay may mga senador pa raw na gusto pang magbigay ng mga katanungan ukol sa isyu.

Ang ipinagtataka lang ni Sen. Cayetano, sa mga araw na nakatakdang idepensa niya ang nasabing bill ay walang sumisipot na senador na diumano ay gustong magtanong!

Maliwanag, parekoy, na itong isyu tungkol sa condom at kung anik-anik pang gamit sa pagpaplano ng pamilya ay nilalaro lamang ni Sen. Sotto. Upang umabot ng 2012!

At kung maaari nga lamang ay matambakan ng iba pang panukalang batas… hanggang sa magkalimutan!

Si Sen. Sotto, parekoy, ay masugid na kumukontra sa RH Bill. At ang nasabing paglalaro niya rito sa isyu ng condom o RH Bill ay dahilan sa alam ng senador na matatalo sila sa botohan!

Hindi man lang isinaalang-alang ng senador na ito ang pera ng gobyerno at panahong ginugol upang ang nasabing bill ay makarating sa kinaroroonan nito ngayon.

At sa personal nating pananaw ay lalong hindi binigyan ni Sen. Sotto ng kahit kaunting respeto ang mga kapwa niya mambabatas na nagsusulong nito!

Kailangan ko pa bang sabihin, parekoy, na parang winalanghiya na rin niya ang taumbayan na nag-aabang sa kahihinatnan ng RH Bill?

P’we!

 

NAKIPAG-USAP SI LIPA City Mayor Meynardo Sabili sa ilang personalidad na mga taga-Pangasinan noong nakaraang linggo.

‘Yan, parekoy, ang ibinulong ng ilang “tawiwit” sa nasabing lungsod na mahilig sa iligal na sugal.

Ayon sa kanila, walang masama sa pakikipag-usap ni Mayor kahit kanino. Ang siste ay napag-alaman umano nila na mga pangunahing

gambling lord sa Pangasinan ang nasabing mga kausap ni Mayor Sabili!

Ha? Naku, mayor! Kaya naman pala umaangal itong mga “green horn” na gambling lord sa Lipa City. Dahil ang isa raw sa pinag-usapan ninyo at ng mga taga-Pangasinan ay kung paano patitigilin ang mga local players ng iligal na sugal sa Lipa City. At papalitan na sila ng tinatawag na Pangasinan boys!

Ano ba ang katotohanan ng nasabing meeting Mayor Sabili? Siyempre… at dapat i-deny mo! Hak, hak, hak!

Target
ni June Briones
jabriones10@yahoo.com
09152121303

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.