Condolence sa Pagcor

NAGHI-HINGALO NA ANG Philippine Amusement and Gaming Corporation.

At ito’y hindi aksidente.

Sinadya ito ng mga taong ang totoong motibo ay dumating sa ganitong sitwasyon.

Maraming dapat ipaliwanag si dating Pagcor Chairman Efraim Genuino dahil sa panahon niya nagsimulang pumulupot ang lubid sa leeg mismo ng ahensiyang namamahala sa pasugalan sa bansa.

Ang nababalitang privatization ang siyang lundo ng grand plan upang ang Pagcor ay mawala sa kamay ng pamahalaan.

Ang Pagcor ay isang uri ng manok na nangingitlog ng ginto. Malaking pondo ang ipinapasok nito sa bansa kaya ito ang gustong agawin ng mga taong may malalim na interes.

Sa ngayon, ang mga casino ng Pagcor sa Metro Manila ay dumaranas ng matinding pagkalugi.

Ang dahilan, nilalamon na lahat ng Resorts World Manila ang merkado ng mga gamblers.

Sa mga hindi po nakakaalam, ang Resorts World na nasa tapat ng NAIA 3 ay hindi kontrolado ng Pagcor. Ang Belle Corporation, ang Megaworld at ang iba pang pribadong korporasyon ang nagpapatakbo ng Resorts World casino.

Nakikibalato na lamang ang Pagcor ng 40% sa kita nito gayong puwede sanang sa kanila ang 100%.

Sa ilalim ng liderato ni Genuino, pumasok ang Pagcor sa isang Memorandum of Agreement na nagbibigay ng karapatan sa private group na patakbuhin ang casino.

Balato na lang ang dumarating sa Pagcor dahil nga sa lisensiyang ibinigay nila sa Belle group.

Ang tanong ngayon, kung nakikita mo nang nahugot ang oxygen ng naghihingalong pasyente, hindi ka ba kikilos para ikabit ang aparato?

Maliban na lamang kung may malaking pakinabang ang nagbabantay ng pasyente, malamang nga ay sukluban pa ng unan para matuluyan nang madedbol.

Ito ang malaking katanungan ngayon kung bakit ang bantay ng pasyente na nagngangalang Pagcor Chairman Bong Naguiat ay hindi kumikilos upang ito ay sagipin.

Mukhang walang plano si Naguiat na kanselahin ang MOA upang mabawi ng Pagcor ang operasyon mula sa Resorts World.

Kung sinasadya ni Naguiat na hindi kumilos para tuluyang matepok ang Pagcor patungo sa privatization, paghihinalaan siya ng bayan na nakikinabang na rin siya sa MOA na pinasok ni Genuino.

Kung talagang sa kamatayan na ang punta ng Pagcor, aba’y condolence na lang po, Chairman Naguiat!

ANG MATITINDING KRIMEN na nangyayari ngayon ay indikasyon ng kahinaan ng liderato ni Gen. Raul Bacalzo bilang Chief PNP.

Ang sitwasyon ay lalo pang pinatindi ng kumpetisyon ng mga totoong kriminal at mga pulis na umaastang kriminal.

Baka naman pang-station commander lang ang kapasidad ni Bacalzo kaya ganito ang nangyayari sa maraming parte ng bansa?

Aba’y dapat mapalitan na siya sa Camp Crame at italaga siya sa Tacurong police station.

MANGINGITIM ANG BUHOK ni Atty. Sixto Brillante sa kanyang bagong posisyon sa Comelec.

Marami ang kumukuwestiyon sa kanyang appointment dahil sa malaking interest niya sa komisyon.

Sa dami ng mga election cases ni Brillantes na pending sa Comelec, hindi malayong maimpluwensiyahan niya ang mga ito.

At ang kanyang dating law office ang siyang unang beneficiary ng bagong kapangyarihang ibinigay sa kanya ng Palasyo.

Kahit nag-resign na si Brillantes sa kanyang law office na humahawak ng lahat ng mga kaso sa Comelec, hindi pa rin maiaalis ang pangamba ng maraming sektor.

Sabi nga, iba ang may pinagsamahan.

Ibang klase nga ito dahil parang ginawa mong hepe ng Women’s Correctional ang isang rapist or ginawa mong day care supervisor ang kilalang pedophile.

allanpunglo@yahoo.com

Pulandit
Allan Encarnacion
allanpunglo@yahoo.com

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.