Computerized sketch ng mga tumira sa tauhan ni Erice, inilabas na P200k, reward sa makapagtuturo

INILABAS NA KAHAPON ng pamunuan ng Northern Police District ang mga computerized composite criminal illustration (facial sketch) ang mga suspek na bumaril at nakapatay sa political adviser ng bise-alkalde ng Caloocan City habang naglaan din ng halagang P200,000 ang Mayor sa sino mang makapagtuturo sa kinaruroonan ng mga ito.

Ngunit ‘di naman tinukoy ni NPD Director Chief Supt. Antonio Decano ang pagkakakilanlan ng dalawang gunman nang sa gayun ay mapadali umano ang kanilang isinasagawang follow-up operation sa pagkakaaresto ng mga ito.

Napag-alaman naman mula kay Sr. Supt. Jude Santos, hepe ng Caloocan-PNP, sa kanilang pagsisiyasat ay may mga impormasyon na umanong nakuha ang kanyang mga tauhan base na rin sa mga nakasaksi hinggil sa pagkakakilanlan ng riding-in-tandem.

Iginiit din ni Santos na nagpadala na ito ng karagdagang tropa sa Bagong Silang, Caloocan upang tumulong sa binuong Task Force Delana sa ikabibilis ng pagresolba sa krimen.

Magugunita, dakong alas-10:45 ng umaga noong Agosto 9, pinagbabaril at napatay ng riding-in-tandem gamit ang kalibre .45 na baril ang biktimang si Samuel Delana, 44, habang sakay ng kanyang Multi-Cab sa Phase 5, Bagong Silang, habang sugatan din ang kasamahan nitong si Nelda Dioquino matapos tamaan ng ligaw na bala.

Matapos ang pamamaril ay mabilis humarurot palayo ang mga suspek at iniwan ang naghihingalong biktima na dali-daling isinugod sa Jose Rodriquez Memorial Hospital subalit hindi na umabot nang buhay si Delana, habang nasa ligtas naman na kalagayan ngayon si Dioquino.

Nabatid, si Delana ay malapit at siyang tumatayong political adviser ni Caloocan City Vice Mayor Edgar Erice na ayon sa huli ay malinaw na politically-motivated, dahil na rin sa kasalukuyang gulo sa pulitika ng lungsod na kinasasangkutan nito.

Samantala, sa kabilang banda ay magbibigay naman umano ng P200,000 reward money si Caloocan City Mayor Enrico Echiverri sa sinuman makakapagturo at makakahuli sa mga suspek.

Ayon kay Echiverri, dapat lamang na managot ang sinumang may kinalaman sa ginawang pagpatay kay Delana, kung saan hiniling din nito sa mga residente na agad na ipaalam sa himpilan ng pulisya sakaling may alam sa krimen nang sa gayon ay agad na maituro kung sino ang tunay na may kagagawan ng pagpatay.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.