Comm. Alvarez should better resign!

INAMIN NI MISMONG Bureau of Customs (BoC) Commissioner Angelito Alvarez sa inyong SHOOTING RANGE na talamak ang smuggling ngayon sa mga pier, partikular na sa Port of Manila.

Ang nasabing pag-amin ay ginawa ni Alvarez sa isang panayam noong Lunes, November 22, sa inyong SHOOTING RANGE sa programang WANTED SA RADYO sa 558 kHz DZXL.

Sinabi ng inyong SHOOTING RANGE kay Alvarez na namamayagpag ang mga smuggler ngayon sa Port of Manila at talamak ang pagpupuslit ng iba’t ibang kontrabando roon tulad ng luxury vehicles, sibuyas, asukal, bigas, resins, ukay-ukay, paputok, atbp.

Agad namang sumang-ayon si Alvarez at sinabi niyang marami nga siyang natatanggap na mga impormasyon patukoy roon. Idinagdag pa ng commissioner na marami na talaga siyang natatanggap na mga text messages na isinusumbong ang mga nagaganap na smuggling activities sa nasabing pier.

Sinabi rin ni Alvarez na pinaiimbestigahan na niya ang mga sumbong laban sa mga grupong smuggler at mga tiwaling empleyado ng kanyang bureau, at idinagdag din niya na ang mga commissioner, tulad niya, ay come-and-go sa BoC samantalang ang mga nabanggit na grupo ay hindi napapalitan at nakapirmi lang sa BoC.

Ngunit idinepensa naman ni Alvarez ang pamunuan ng Port of Manila na sa kabila ng mga sumbong na talamak ang smuggling activities doon, nag-overshoot pa rin ito sa kanilang target revenue.

Pero sinabi naman ng inyong SHOOTING RANGE na maaari ngang nag-overshoot sa target revenue ang Port of Manila at ito ay dahil sa volume ng mga container na ipinaparating ng mga smuggler sa naturang pier dahil maluwag doon at hindi nasisita ang anumang klaseng kontrabando. At kung nasisita man o naa-alert, agad na may sumasanggang mga padrino.

Sinabi pa rin ni Alvarez sa inyong SHOOTING RANGE na nangangalap pa siya ng mga ebidensiya hinggil sa mga sumbong na nakararating sa kanya.

TULAD NG NASABI ng inyong SHOOTING RANGE kay Commissioner Alvarez sa nasabing panayam na maraming naniniwala na hindi siya corrupt at umiiral pa rin ang no-take policy para sa kanyang sarili, inuulit ng inyong SHOOTING RANGE ngayon, sa muli, na ako mismo ay naniniwala na malinis si commissioner at hindi siya tumatanggap ng suhol mula sa mga smuggler at mga tiwali niyang tauhan sa bureau. Ngunit maraming mga malalapit na tao sa kanya na harap-harapan siyang inililigaw at binubulag.

Naniniwala rin ang inyong SHOOTING RANGE na sangkaterba ang malalapit na kaibigan ni Alvarez na hindi niya kayang tanggihan kapag ang mga ito ay tumawag sa kanya para umarbor ng mga nasisitang kontrabando – o kung ‘di man, ang pang-aarbor ay idinadaan ng kanyang mga kaibigan sa mga katiwala niyang tauhan sa bureau.

Kung ganoon na rin lang, at inamin na rin lamang ni Alvarez na rampant ang smuggling activities sa Port of Manila na tila hindi niya kayang sugpuin, mas makabubuti, ngayon pa lang, ay mag-resign na siya dahil lumilitaw na siya ay inutil na pala.

Mas maigi na gawin ni Alvarez ang pagbibitiw sa puwesto sa lalong madaling panahon kaysa hintayin pa niyang siya ay masibak sa puwesto dahil nakarating kay Pangulong Noynoy na nalusutan ang BoC – right under his nose – ng mga kontrabando na mas masahol pa kaysa sa mga nauna kong nabanggit, tulad ng droga at mga baril.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

One thought on “Comm. Alvarez should better resign!

Leave a Reply

Your email address will not be published.