Comelec: Online Campaigning, Tutukan; Pol Ads Airtime, Limitado

NAGLABAS NA ng bagong patakaran ang Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng inaasahang talamak na pangangampanya ng mga kakandidato sa eleksyon.

Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes, nakasaad sa kanilang Resolution No. 9616 ang bagong limitasyon sa airtime ng political advertisements.

Ang dating 120-minute (min) airtime sa telebisyon at 180-min sa radyo ng bawat national candidate; at 60-min airtime sa TV at 90-min sa radyo ng bawat local candidate, sa bawat network o istasyon ay ibinasura na.

Sa ngayon, aggregate o pagsasamahin na sa bilang ang airtime ng political ads sa lahat ng network o istasyon.

Sinabi pa ni Brillantes na makakatuwang nila ang citizen’s arm na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) sa pag-monitor ng mga pangangampanya sa telebisyon at radyo.

Pagdating sa mga political advertisements ng mga partido, ibabawas ang airtime nito sa bawat kandidato.

Sa unang pagkakataon, tututukan na rin ng Comelec ang pangangampanya sa Internet, partikular sa social networking sites na Facebook at Twitter.

Sinabi ni Brillantes na walang paglabag ang sinuman na magbibigay ng opinyon ukol sa napipisil na pulitiko. Pero kung mapapansing madalas ito at tila may bayaran na, doon aniya papasok ang batas. Gayunman, aminado si Brillantes na hindi nila mapapanagot ang mga pulitiko na mangangampanya sa kanilang personal accounts dahil wala naman itong gastos.

Ganito rin aniya ang magiging pag-monitor nila sa pangangampanya sa texts.

Mag-uumpisa ang campaign period ng national candidates sa Pebrero 12, habang sa Marso 29 ang sa lokal na kandidato.

Samantala, dahil papatak ito ng Good Friday, March 30 pa papayagang mangampan-ya ang mga tatakbo sa local positions.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.