Comelec: kinanselang proklamasyon, ‘di maaaring iapela

HINDI NA umano tatanggap ng anumang apela ang Commission on Elections (Comelec) hinggil sa kaso ng mga kinanselang proklamasyon ng halos 500 napatunayang hindi rehistradong kandidato at may criminal convictions.

Sinabi ni Comelec Chairman Sixto Brillantes na malinaw naman sa batas na ang kwalipikado lamang na kumandidato ay ang mga sumailalim sa proseso ng voters registration.

Napag-alaman na sa nasabing bilang ay 90 ang tumakbo bilang kapitan ng barangay, habang ang mahigit 300 iba pa ay bilang konsehal.

“Tiningnan na kasi namin ‘yon, dahil nakita ng aming Law Department na may ilan palang kandidato ay walang record… ibig sabihin hindi sila registered voters,” ani Brillantes.

Alinsunod naman sa panuntunan ng Comelec, kung ang nanalong kandidato ay mapatunayang hindi kwalipikado, ipoproklama ang sunod na kandidatong nakakuha ng maraming bilang ng boto.

Nabatid na 809,136 ang tumakbong kandidato para sa 294,196 posisyon ngayong 2013 barangay elections.

Samantala, umaabot na sa 94,124 umano sa kanila ang naghain ng kandidatura para sa barangay kapitan, habang 715,012 ang tumakbong konsehal.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.