Coco Levy Protest sa NAPC, Dinagsa; Mga Pulis, Kinuyog

SUMIKLAB ANG tensyon sa compound ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) sa Quezon City matapos makapasok ang may 100 militante kahapon.

Dakong alas-10:00 ng umaga nang dumating ang limang jeep lulan ang mga kasapi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). Ipinuwesto nila ang sasakyan sa gilid ng pader ng Department of Agrarian Reform (DAR) kung saan naroon ang target na opisina.

Nagsagawa sila ng programa roon para igiit ang pagbalik sa mga magniniyog ng pondo ng Coco Levy na matagal na anilang dapat ipinagkaloob.

Pero makaraan ang ilang minuto ay sumampa na sa bubungan ng mga jeep ang ilang militante para makapasok sa naturang compound.

Nagkaroon din ng girian sa pagitan ng mga miyembro ng KMP at mga awtoridad sa pagtatangkang mapasok ang gusali ng ahensya para makadayalogo si NAPC Sec. Joel Rocamora.

Napag-alaman namang wala roon ang kalihim kaya tanging mga undersecretary at assistant secretary lamang ang humarap sa mga nagwawalang militante.

Bigla namang nagkaroon ng usok mula sa tanggapan na nagpaurong sa mga militante. Pero gumanti sila sa pamamagitan ng pambabato sa harapan ng ahensya.

Pinalo pa ng ilang militante ang mismong hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Station 2 na si Superintendent Pedro Sanchez na nagtamo ng sugat sa kaliwa nitong pisngi.

Ilan sa mga kinauukulan ang sumubsob pa sa semento.

Samantala, nang rumesponde ang isang Police Officer 1, siya naman ang kinuyog ng mga militante.

Bumaba rin ng mobile ang isang babaeng pulis at lumapit sa hepe bitbit ang isang mahabang baril kaya lalong tumindi ang tensyon.

Doon lalong nag-init ang mga militante at sinugod ang ibang pulis, bagama’t hindi naman pinaputok ang baril.

Nakipag-usap na rin si QCPD Director Senior Superintendent Richard Albano sa isang lider ng mga militante.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.