Claudine Barretto, bad trip pa rin kay Gretchen

GALIT NA GALIT pa rin hanggang ngayon pala si Marian Rivera sa Channel 2 partikular na sa programang TV Patrol, kung saan ang feeling ng aktres ay sinadyang palabasin siyang “bobita” matapos na magsalita siya noon ng: “I am a psychology!”

Ito ang napag-alaman ng Pinoy Parazzi matapos na namin siyang tangkaing kausapin sa product endorsement ng Panasonic na ginawa sa Edsa Shangri-La.

Ayon sa aming source, nang malaman umano ni Marian na may naghihintay sa kanyang TV crew ng Dos, agad itong tumalilis ng alis matapos ang kanyang pagsasalita sa stage. “Galit pa rin siya hanggang ngayon, kaya sorry na lang po sa mga taga-GMA at TV5 dahil nadamay kayo,” pahayag ng isang taong malapit sa aktres.

Sa kabilang banda, bukod sa personal niyang “galit” ay posibleng iniiwasan pa rin ni Marian na pag-usapan ang isyung isa siyang dalagang ina. Dahil hanggang ngayon, tuluy-tuloy na pinag-uusapan ang pagkakaroon niya ng anak sa pagkadalaga.

Noong gabing iyon, nakita rin namin sa Shangri-La si Dingdong Dantes (na hindi kasama ni Marian). Tinangka naming kausapin si Dingdong, pero tumangging magbigay-komento ang binata.

KAMI ANG SUMALUBONG kina Claudine Barretto at Anne Curtis sa NAIA kamakailan, kung saan ay si Claudine mismo ang nagbigay ng dahilan para isipin naming hindi pa sila okey nang nakatatandang kapatid na si Gretchen.

Sa interbyung ginawa ng mga crew ng iba’t ibang TV station, isa kami sa nakisawsaw. Matapos ang mahaba-habang kuwentuhan na ang naging topic ay tungkol sa pelikulang For Your Eyes, sinolo na namin si Claudine during noong bonding nila ni Anne.

Marami rin kaming napagkuwentuhan ni Claudine, tulad sa kung ano ang pasalubong niya kay Raymart Santiago na kanyang asawa (pabango) at sa mga anak niyang sina Sabina at Santino. Sinagot din ng aktres ang mga tanong namin sa kung anong uri ng pelikula ang For Your Eyes, at ang tungkol sa pagbaba ng ratings ng programa niya sa Siyete, na ayon sa aming source ay malapit nang tigbakin.

Ayon kay Claudine, hindi raw siya nakikialam sa ratings ng kanyang programa dahil nakapokus siya sa kung anong role ang kanyang dapat gawin sa kanyang sariling programa. Masaya ang takbo ng aming usapan, pero biglang nanlaki ang mga mata niya at obvious na nabuwisit ang aktres nang kumustahin namin sa kanya si Gretchen.

Wala kaming intensiyong galitin o inisin si Claudine. Pero laking gulat namin at iba pang taong naroroon nang biglang magtatalak ang aktres at nagbitaw ng ganitong pahayag: “Bina-bad trip mo ako Morly! Kararating ko lang galing sa ibang bansa, ginagalit mo na ako!”

Iyon ang saktong binitiwang salita ni Claudine na gusto nga naming itanong: Isang malaking kasalanan ba ang ginawa naming pangungumusta sa kanila ni Gretchen?

Nasagot ang tanong naming iyon nang may isang reporter na nagbulong sa amin na kaya raw nag-react si Claudine nang ganu’n, unti-unti na naman daw kasing “nagliliyab” ang gulo sa pagitan ng magkapatid na Gretchen at Claudine.

Kung nagalit sa amin si Claudine, sorry po. Hindi namin alam na may away pala uli silang magkapatid. Dahil sa pagkakaalam ko, ang magkapatid dapat ay laging nagmamahalan at nagdadamayan at hindi laging nagbabangayan. Tsuk!

SINA PAULEEN LUNA, Aifa ng sexbomb, Michelle Madrigal at Rhian Ramos ay ilan lang sa mga babaeng “minahal” ni JC de Vera. At sa presscon ng kanyang bagong programa sa TV 5 na 5 Star Specials, aming naitanong sa binata na kung naging kasangkapan ang mga babaeng na-link sa kanya, anu-ano ang mga ito.

Ayon kay JC, si Michelle ay isang unan dahil masarap daw kayakap ang aktres. Si Pauleen ay cellphone dahil masarap kausap at hindi boring, samantalang si Aifa ay isang mamahaling necklace. “Si Rhian siguro, isa siyang eraser. Isa siyang pambura,” pahayag ng aktor na ikinaloka namin.

May dahilan pala kung bakit nasabi ni JC na para sa kanya, isang eraser si Rhian. “Paano naman kasi noong sila pa, huling-huli ng aktor na itong si Rhian ay nakikipaglandian kay Akihiro Sato,” sabi naman ng isang mahaderang close kay JC.

Ay, kaya pala nasabi ni JC na para sa kanya si Rhian ay isang eraser! May pinanggagalingan pala ang litanyang iyon. Sa lahat pala ng babaeng kanyang minahal, si Rhian lang ang nangaliwa sa kanya. Ha-ha-ha!

Sa totoo lang, maganda na sana ang presscon na iyon ng bagong programa ni JC, maliban sa isang bagay: Bastos ang isang tombyestang nagmamaganda noong gabing iyon. Sukat ba namang paalisin kami sa aming kinauupuan dahil para lang daw iyon sa movie press? Teka ano ba kami sa tingin ng matabang tomboy na ito? Hay, naku ang mga ganitong anay dapat binubuhusan agad ng Malatayon, ‘no?!

More Luck
by Morly Alinio

Previous articleKorean fever, mataas pa rin Kim Hyun Joong at BEAST, live in Manila!
Next articleMaja Salvador, break na sa ‘di inaming BF!

No posts to display