Chop-Chop Victim, Hamon sa kakayahan ng Bagong SIDMB Chief

MALAKING HAMON SA kakayahan ng bagong talagang hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Valenzuela Police, ang pagkakalutas sa kaso ng pamangkin ng isang barangay chairman na pinagputul-putol ang katawan, paa at ulo saka itinapon sa magkakahiwalay na lugar sa lungsod na ito noong Sabado ng madaling-araw.

Ilang araw na ang nakalilipas, wala pa ring lead si P/Chief Inspector Realito Esperida, bagong talagang hepe ng SIDMB, para makilala ang suspek sa pag-chop-chop kay  Julius Caco, 30, binata, residente ng No. 117 Simeon Doon St. cor. Sampaguita St., B.S.O.P., Barangay Karuhatan, Valenzuela City at pamangking buo ni Barangay Captain Nicimodes Caco ng nasabing barangay.

Dismayado na rin ang mga kaanak at mga kaibigan ni Caco dahil sa umano’y kabagalan ng imbestigasyon sa kaso.

Si Esperida ay bagong talagang SIDMB chief kapalit ni P/Chief Inspector Danilo Bugay na isa sa magaling na opisyal ng Valenzuela Police.

Magugunita na natagpuan ang kamay at kaliwang hita ni Caco sa harap ng Arbor Towne Village sa Brgy. General T. De Leon na nakalagay sa sako, habang ang kanang hita at katawan niya ay nakita sa Angeles St., Fortune Village, sakop ng nasabing barangay, noong Sabado ng ala-1:45 ng madaling-araw.

Makalipas ang isang oras, nakita ang ulo ni Caco sa No. 2518, Delupio St., Brgy. Gen. T. De Leon na nakasilid din sa sako.

Sa follow-up investigation ng mga awtoridad, sa itim na van na walang plate number isinakay si Caco, bago itinapon sa magkakahiwalay na lugar sa Valenzuela City.

Na-cremate na kamakalawa ang labi ni Caco at umaasa ang mga nagmamahal sa kanya na malulutas na ang kaso bago sumapit ang ika-40 araw na pagkamatay nito.

Gayunpaman, puspusan ang ginagawang follow-up operation ng grupo ni P/Senior Inspector Arthur Queniones para malutas ang kaso ni Caco.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.