Chiz, Grace at Loren, Sibak na sa UNA

TINANGGAL NA sa senatorial line-up ng United Nationalist Alliance (UNA) sina Sen. Francis “Chiz” Escudero, Sen. Loren Legarda at dating Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairperson Grace Poe.

Ayon kay UNA campaign manager Rep. Toby Tiangco, inilaglag nila ang tatlo dahil sa hindi pagdalo sa mga kampanya ng UNA.

Sa inilabas na opisyal na pahayag ng partido, sinabi ni Tiangco na ginawa nila ang lahat para makasama sa kampanya ang tatlo sa kabila ng umano’y pagbabanta ng Liberal Party (LP).

Umasa rin aniya sila sa pangako ng guest candidates na hindi babalewalain ang UNA, pero hindi tumupad ang mga ito.

Sinabi naman ni dating Pangulong Erap Estrada, isa sa tinaguriang three kings ng UNA, mananatili ang kanyang respeto kina Escudero at Legarda, lalo na kay Poe na anak ng kanyang pinakamatalik na kaibigan.

Ayon naman kay UNA senatorial candidate Ernesto Maceda, hindi makakaapekto sa kanilang line-up ang pagkakatanggal sa tatlo, dahil matibay na ang relasyon at pangangampanya ni-lang siyam na natitirang kandidato.

Maaalala na sa proclamation rally ng partido sa Cebu noong Pebrero 12, unang umabsent ang tatlo dahil mas piniling dumalo sa kick-off ng Team PNoy.

Samantala, una na ring nagbanta si Vice President Jejomar Binay, kabilang sa three kings, na ilalaglag ang tatlong guest candidates kung patuloy na iisnabin ang mga kampanya ng koalisyon.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.