Chinese Vessel na Nadetine sa Cebu, Makapaglalayag na

KINUMPIRMA NG Bureau of Immigration (BI) na may clearance na para makapaglayag ang Chinese vessel na unang nadetine dahil sa sinasabing iligal na pagpasok sa teritoryo ng Pilipinas noong May 19, sa karagatan ng Cebu.

Sinabi ni Immigration officer Rey Cuizon na natanggap na nila ang kopya ng resibo hinggil sa binayarang P1.3 milyon na multa ng cargo vessel M/V Ming Yuan.

Matatandaan na pinatawan ng multa ng pamahalaan ang may-ari ng Chinese vessel dahil sa “illegal anchorage.”

Inihayag ni BI Commissioner Ricardo David Jr., kabilang na rito ang tig-P52,510 na multa sa 24 crew members ng barko.

Iginiit pa ng opisyal na sa ilalim ng batas, bago makapasok ng Philippine territory ang anumang foreign vessels, kailangang magpaalam ito sa bureau of quarantine, immigration at customs.

Una ng sinabi ni PCG spokesman Lt. Commander Armand Balilo, na may natanggap silang distress call mula sa Hong Kong Maritime Rescue Coordinating Center na nagsasabing nagkaroon ng sira ang nasabing cargo vessel.

Pero dahil sa kabiguan ng kapitan ng barko na magpaalam sa Philippine authorities, inaresto ang mga ito.

Samantala, sinasabing ang local shipping agent ng Hong Kong-registered vessel ang naghain ng bayad.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.