CHED officials, sinabon ng Kamara sa pagbabago ng academic calendar

SINERMUNAN NG ilang kongresista ang mga opisyal ng Commission on Higher Education (CHED) hinggil sa isyu ng pagbabago sa academic calendar.

Sa pagdinig ng House Committee on Higher and Technical Education, sinabon ni Eastern Samar Representative Ben Evardone si CHED Executive Director Julito Vitriolo at iba pang opisyal, dahil naunahan pa aniya ito ng tatlong unibersidad na magdesisyon at ilipat ang pagsisimula ng klase.

Iginiit nito na dapat ang CHED ang unang naglalabas ng guidelines sa pagbabago ng academic calendar para sundin ng mga kolehiyo at unibersidad.

Diretsahan pang pi-nagsabihan ni Evardone ang CHED na natutulog sa pansitan dahil hinayaang magkanya-kanya ang mga pamantasan sa naturang isyu.

Una nang nag-anunsyo ng pagbabago sa academic calendar ang University of the Philippines (UP), Ateneo de Manila University (ADMU) at University of Sto. Tomas (UST).

Depensa naman ni Vitriolo, hindi na kailangan ng tatlong pamantasan ang kanilang pag-apruba.

Sang-ayon aniya sa batas, maaaring magsimula ang mga eskwelahan ng klase sa pagitan ng Hunyo at Agosto. Pasok dito ang bagong academic calendar ng UP, ADMU at UST.

Inihayag naman ni House Committee Chairman Roman Romulo na binigyan nila ng dalawang linggo ang CHED para magprisinta ng position paper kung maaari nitong pigilan ang inanunsyong pagbabago sa academic calendar.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.