Checker, Basag ang Bungo sa Baseball Bat

BASAG ANG bungo ng isang checker makaraang hambalusin ng matigas na bagay ang ulo nito ng isa sa apat na hindi nakikilalang suspek habang nasa kainitan ng pagtatalo sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang biktima na si Vermond Beramie, 35, may-asawa, checker, at naninirahan sa # 5 Atis Road, Potrero, Malabon City, habang isang alyas “Bong” naman ang sinasabing isa sa apat na hindi nakikilalang suspek ang may kagagawan ng krimen.

Base sa ulat ng Caloocan PNP, dakong alas-12:30 ng madaling-araw nang maganap ang nasabing insidente sa tapat ng isang hotel na matatagpuan sa kahabaan ng Samson Road.

Nabatid na kasalukuyang naglalakad ang biktima kasama ng isang Noel Nolasco, 38, delivery boy, ng # 207 Sityo 6, Catmon, Malabon papauwi sa kanilang lugar.

Ayon kay Nolasco, habang sila ay naglalakad ay aksidenteng nabunggo ng biktima ang isang babae na naging dahilan upang magkaroon ng isang mainitang argument.

Habang nasa kainitan ng pagtatalo ay biglang dumating ang apat na hindi nakikilalang suspek at isa sa mga ito ay kaagad na hinambalos ng baseball bat ang biktima sa ulo na ikinahandusay nito at pagkatapos ay mabilis na nagsitakas ang mga suspek.

Ang biktima ay mabilis na dinala ni Nolasco sa Pagamutang Lungsod ng Malabon subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ng hininga ang biktima.

Nagsasagawa ngayon ang Caloocan PNP ng paghahanap sa mga suspek para sa madaliang ikadarakip ng mga salarin.

(ROMAN MAGPOC)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.