Chariz Solomon, handa nang maging ina

ALMOST SEVEN years na rin sa showbiz ang comedienne-actress ng GMA Artist center na si Chariz Solomon at ni minsan ay hindi naging pasaway o problema ng management kahit pa sabihing may nobyo na ito nang magsimulang mag-artista.

Estudyante pa lang siya noon at kumukuha ng kursong Tourism. Dahil sa pag-aartista ay hindi na niya naipagpatuloy ang pag-aaral sa hangaring makatulong sa pamilya at magkaroonng sariling ipon.

Hindi naman naging hadlang sa kanyang karir ang boyfriend na si Nestor, kaya’t nakatuluyan niya ito at nagpakasal sila nito lamang nakaraang Disyembre. Kahit pa kabi-kabila ang kanyang project, hindi rin naging mailap sa kanila ang magandang kapalaran. Ngayon nga ay nakatakda nang maging isang ina si Chariz na nasa ikatlong buwan na ang kanyang ipinagbubuntis. Tinatayang magsisilang siya sa Nobyembre 22.

Hindi naman daw siya naging maselan sa kanyang paglilihi dahil hindi siya naging mapili pagdating sa pagkain. Napaglalabanan din umano niya ang pagkahilo dahil na rin sa nalilibang siya sa kanyang mga gawain lalo na sa trabaho bilang artista.

Mga simpleng pangarap lang daw ang gusto niya para sa kanyang buhay may pamilya. Isang simple at tahimik na buhay. Magkaroon ng kahit na maliit na negosyo. Ang magkaroon ng anak ay isang malaking kaligayahan na maging ito man ay lalaki o babae.

“Basta maging malusog siya at hindi sakitin, maalagaan namin itong mabuti, maayos, busog sa pangaral at lumaking may takot sa Diyos,” ani Chariz.

“Balak ko sanang mag-aral muli, kaya lang ay baka mahirapan na akong gawin ‘yun. Kung may baby na ako ay parang ‘di ko siya mailalayo sa tabi ko. Gusto ko pa rin na ako mismo ang mag-aalaga sa kanya. Paano pa kung babalik ako sa pag-aartista after kong makapanganak?” pahayag pa niya.

Visible ngayon sa Bubble Gang si Chariz bilang regular guest. Huling teleserye niya ang Unforgettable. Medyo nahinto na muna ang pagiging regular niya sa I Believe with Chris Tiu at Heart  Evangelista simula nang magbuntis dahil naka-assign siya sa field.

By Marialuz Candaba

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.