Charice, ipinaubaya na sa kanyang abogado ang demanda laban kay Mo Twister!

SA CONTRACT signing/pictorial ng X-Factor ay nakausap namin si KC Concepcion na nagpahayag ng kasiyahan sa pagkakabati ng inang si Sharon Cuneta at lolang si Helen Gamboa.

Ayon kay KC, sa mga balita na nga lang niya nalaman na may hidwaan pala ang dalawa at nagkaayos na. Sa kabila nito, natutuwa ang TV host/actress sa nangyaring pag-aayos dahil pa-ngalawang pamilya ang turing nila sa mga Sotto. Busy ang kanyang ina, busy rin si Ms. Helen at abala din siya sa dami ng mga ginagawa, para kay KC walang kahit na sino ang gusto ng negatibong mga bagay gaya nga ng samaan ng loob lalo na sa isang pamilya.

Aminadong nagkaroon talaga ng trauma sa kinauwian ng relasyon nila ni Piolo Pascual, lalo’t bukas naman si KC na talagang binigay niya ang lahat para mag-work-out ang relasyon at hindi pa man handang pumasok sa panibagong pakiki-pagrelasyon, excited pa rin si KC na ma-in love at magmahal muli.

Klinaro sa amin ni KC na hindi siya na-trauma sa pag-ibig per se. Masakit na nga ang nangyari, pero ang higit na nagbigay ng sakit kay KC ay ang dami ng opinyon, mga haka-haka at palagay ng tao na hindi naman talaga alam ang totoong nangyari. Para sa aktres, ang kinatatakot lang niya ay baka maging circus na naman ang susunod niyang relasyon na maraming tao ang makikialam at magbibigay ng sarili nilang opinyon, kaya’t sa susunod na pakikipagrelasyon niya ay magdedesisyson na siyang gawin itong pribado.

Nang mapag-usapan ang tungkol sa panunuyo sa kanya ng Bristish band member na si Jules Knight, ‘di itinago ang kilig at pag-hanga sa paraan ng panliligaw sa kanya ni Jules, at sinabing suwerte talaga ang babaeng makakarelasyon nito. Pero para kay KC, unfair kung papasok siya sa isang relasyon na hindi niya maitatawid o mapapanindigan.

Nang tanungin namin kung ano ang aral na natutuhan niya sa huling pakikipagrelasyon, positibo pa rin ang sagot sa amin ni KC na may mabubuting lalaki pa rin, huwag na huwag lang magmadali na pumasok sa pakikipagrelasyon.

Excited bilang host ng X-Factor, kung saan makakasama bilang mga judges sina Gary Valenciano, Martin Nievera, Charice Pempengco at Ms. Pilita Corrales, ayon kay KC ay very challenging ang show na ito dahil hindi lang basta ito magba-base sa talento ng isang contestant, kundi sa kabuuan ng personalidad nito kung mayroon ba talaga siyang tinatawag na x- factor na magiging daan niya para makilala at magtagal sa industriya.

SA NASABING contract signing cum pictorial din ay nakausap namin ang kababalik pa lang ng bansa na si Charice Pempengco, kung saan isa sa magiging judge ang international singer. Masaya sa kanyang pagbabalik-Kapamilya, kung matatandaan ay lumipat ng Kapuso Network si Charice at gumawa ng kanyang mga specials sa nasabing network.

Nakausap namin si Charice at agad na hini-ngan ng reaksyon sa balitang balak niyang pagsasampa ng kaso laban kay Mo Twister dahil sa paglalabas nito na may sex video siya pero wala naman palang laman, iwas magbigay ng anumang pahayag niya ang singer at sinabi na lang sa amin na ang abogado na niya ang bahala rito kaya’t nakumpirma namin na may balak talagang magsampa ng demanda si Charice.

Sa isyu naman na kumukuwestiyon sa kanyang gender, para kay Charice ay wala siyang pakialam sa sinasabi ng iba at ang importante ay tao siya. Ang mahalaga para sa kanya ay kanyang mga tagahanga, ang mga taong totoong nagmamahal sa kanya at hindi siya iiwan sa kahit na anong kasarian na mayroon siya.

Sa kanyang pagbabagong imahe naman, ayon kay Charice, kung ano ang nakikita natin ngayon ay kung sino ang totoong siya at ang Charice na nakikita natin noon siya ay hindi siya. Dati kasi, rito man o sa America ay puro galing sa ibang tao ang desisyon ni Charice mula sa mga damit na susuotin, kung ano ang dapat na maging hitsura, pero ngayon ay gusto niyang umiyak dahil ‘di siya makapaniwala na kaya na niyang ilabas sa publiko ang kanyang tattoo, ang pinagupit niyang buhok, kung paano siya manamit at nararamdaman niya na malaya siya.

Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA

Previous articleSuportado naman ang kapatid na si Raymart Santiago,Pero kaibigan din ang kapatid ni Mon Tulfo na si Erwin Randy Santiago, umaasang matatapos na ang gulo
Next articleSharon Cuneta, wala pa ring pagbabago?!

No posts to display