Charee Pineda, ayaw isiping patay na ang ex-BF na si Tyrone Perez

ISANG LINGGO na rin since nailibing ang Starstruck Batch 1 alumni na si Tyrone Perez, pero hanggang ngayon daw, hindi pa rin makapaniwala ang naging malapit nitong kaibigan, ex-GF at lead actress ng ABS-CBN soap na Angelito, Batang Ama, na si Charee Pineda sa sinapit ng ex-BF.

Ayon kay Charee, nang makausap namin sa Bataan kung saan nag-show ito kasama ang Tweenstars na sina Teejay Marquez at Hiro Ma-galona, nalungkot siya sa nangyari kay Jojo (tawag niya kay Tyron), at ayaw nga raw nitong isipin na patay na ito at mas gustong alalahanin ang masasayang sandaling magkasama sila.

“Hangang ngayon, ‘yung totoo, kahit alam kong patay na siya at nandu’n ako nu’ng libing niya, hindi ko pa rin matanggap sa sarili ko na patay na siya. Mas gusto kong manatili siya sa isip ko na buhay pa siya at alalahanin ‘yung magagandang araw na kasama ko siya. Hangang ngayon nga, shock pa rin ako, hindi kasi ako makapaniwala na magagawa niyang magpakamatay. Kasi knowing Jojo, napaka-positive na tao ‘yan eh, hindi ‘yan basta-basta sumusuko sa problema.

“Three years ding tumagal ‘yung relasyon namin. Kaya naman sa loob ng tatlong taon, kilalang-kilala ko na siya. Siya kasi ‘yung first boyfriend ko, kaya sobrang naging close ako sa kanya. Kaya hindi ako makapaniwala, nu’ng napanood ko lang siya sa TV, tsaka lang ako naging sobrang emotional, kasi hindi talaga siya ganu’n, eh! Siguro hindi na niya talaga kinaya ‘yung problema niya. Sana nga, tinawagan niya ako, para nakausap ko siya at nabigyan ng payo o kaya natulungan ko siya. Hindi na kasi siya iba sa amin, sobrang close siya sa family ko, sa daddy at mommy ko.”

Ano ‘yung mga naaalala mo kay Tyron nu’ng kayo pa at nabubuhay pa siya?

“Sobrang masayahin ‘yan, gusto niya laging masaya ‘yung paligid at kahit na may problema ‘yan, hindi mo mapi-feel sa kanya na may problema siya. Hindi niya ugali ‘yung pag masama ‘yung loob niya, ipapaalam sa ‘yo, at sobrang thoughtful ‘yan, malambing ,mabait kahit sa mama ko, malambing siya, malambing siya kahit na nu’ng nag break na kami. Kaya sobrang nalungkot talaga ‘yung mama ko nang malaman ‘yung nangyari sa kanya,” pagtatapos ni Charee.

 

INAAPOY NG lagnat si Arnell Ignacio nang um-attend ng premiere night ng kanyang pelikulang Bola sa UP Theater para daw makita nito kung ano ang magiging reaksiyon ng mga makakanood ng kanilang controversial film.

Tawa nang tawa si Arnell habang kausap namin sa TJ’s resto na pag-aari ni Ms. Sylvia Sanchez at steward na si Bobby, kung saan ito nagtungo after ng pagpapalabas ng kanilang movie, dahil kitang-kita raw nito ang pagyuko ng bidang lalaki sa said film na si Kenneth Salva nang pinalalabas na ang eksena nilang naglalaplapan.

Tsika nga nito na kahiit nga raw nu’ng kunan ang nasabing eksena, medyo asiwa si Kenneth. Feeling nga raw ni Arnell, first time na nakipaghalikan ni Kenneth sa kapwa lalaki dahil gusto lang nitong matupad ang pangarap na maging artista. Happy raw si Arnell sa dami ng taong nanood sa kanilang premiere night, at sana raw ay mas dumagsa pa ang tao na manonood nito sa kanilang regular showing.

 

NAGSELEBRA NG kanyang kaarawan si Shalala at ilan sa wish nito ang good health sa kanya at sa kanyang minamahal na pamilya, at sana raw ay magtuluy-tuloy ngayong 2012 ang suwerteng natanggap niya noong 2011.

Sa ngayon naman daw ay happy si Shalala sa takbo ng kanyang career, kung saan kaliwa’t kanan ang dating sa kanya ng trabaho bukod pa sa regular shows nito sa TV5 gaya ng Juicy at Talentadong Pinoy, at nag-uumapaw sa dami ng guestings sa iba’t ibang shows ng Kapatid Network.

At kung nakagawa raw siya ng cameo role sa dalawang pelikula last year sa My Househusband at Enteng ng Ina Mo, sana raw ay matuloy na ang pelikulang gagawin nito na siya ang bida ngayong taon ng Water Dragon.

John’s Point
by John Fontanilla

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.