CGMA, may 3 wishes

MAYROONG TATLONG kahilingan si dating Pangulo at ngayo’y Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo sa pagdiriwang ng kanyang kaararawan, kamakailan.

Nitong Sabado, ipinagdiwang ni Ginang Arroyo kasama ang ilang bisita ang ika-67 kaarawan matapos payagan ng Sandiganbayan na mag-overnight sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City ang mga kaanak niya mula Abril 4 hanggang Abril 6 kapalit ng hiling nitong makapagdiwang ng kaarawan sa Pampanga.

Ayon sa kanyang tagapagsalita na si Atty. Raul Lambino, ang unang dalawang birthday wish ni Arroyo ay para sa sambayanan.

Hiling aniya ng kongresista na magkaroon ng masaganang pamumuhay ang mga Pinoy at pangalawa’y maging mapayapa ang bansa sa kabila ng gusot sa Tsina hinggil sa agawan sa Ayungin Shoal maging ang problema tungkol naman sa ilang kumukuwestiyon sa pinirmahang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).

Ang ikatlo at huling nais aniya ng solon ay ang mapayagan siyang makapagpiyansa sa kasong kinahaharap sa Sandiganbayan.

Napag-alaman mula kay Lambino na masaya si Ginang Arroyo dahil pumayag ang korte na maka-piling niya ng dalawang gabi ang kanyang pamil-ya at makapagdiwang ng kaarawan kasama ang ilang bisita.

Nasunod din ang naunang inanunsyo at may kanya-kanyang dalang pagkain ang mga bumisita.

Bukod naman sa ilang kasapi ng pamilya at ilang pulitiko, dumating din sa VMMC ang ilang barangay at municipal official sa ikalawang distrito ng Pampanga na kanyang kinakatawan sa Kamara.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.