CGMA, kinasuhan din

SINAMPAHAN DIN ng kasong plunder ng Department of Justice (DOJ) sa Office of the Ombudsman si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kasama ang ilang miyembro ng gabinete ng dating administrasyon, kabilang ang negosyanteng si Janet Lim-Napoles hinggil sa P900 milyong Malampaya gas fund scam.

Kabilang sa mga sinampahan ng kasong plunder ay si dating Executive Secretary Eduardo Ermita, dating Agrarian Reform Secretary Nasser Pangandaman, dating Agrarian Reform Undersecretary Rafael Nieto, DAR finance officer Teresita Panlilio, dating Budget Secretary Rolando Andaya, at Budget Undersecretary Mario Relampagos.

Sinabi ni Justice Sec. Leila De Lima na nagsabwatan ang mga opisyal ng dating administrasyon para mailabas ang pondo mula sa Malampaya gas project sa pamamagitan ng mga bogus na NGOs ni Napoles.

Maaalala na inimbitahan ng DOJ at NBI ang nasa 97 alkalde na umano’y pumeke ang kanilang mga pirma ng NGOs ni Napoles upang makuha ang halos P1 bilyong pondo mula sa Malampaya gas na pinalalabas na gagamitin sa mga biktima ng bagyong Ondoy at Pepeng noong 2009.

Hindi rin napigilan ni Benhur Luy na pa-ngunahing witness sa Malampaya fund scam na maging emosyunal sa isinagawang misa sa NBI bago ang pagsampa ng kaso laban sa mga dawit na personalidad sa Office of the Ombudsman.

Mismong si De Lima kasama si NBI OIC Director Medardo de Lemos ang nanguna sa pagdalo sa misa at iba pang mga testigo hinggil sa paglustay ng P900 milyong pondo mula sa Malampaya funds.

Ayon sa kalihim, hindi naging madali para sa NBI ang pagtrabaho para maisampa ang kaso sa Malampaya scam lalo na ang pagkalap ng mga ebidensya sa anomalya.

Samantala, pinasalamatan din nito ang mga kawani ng ahensya na katuwang para makumpleto ang mga kakai-langaning dokumento at maging ang sakripisyo ng mga whistleblower at mga volunteer lawyer.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.