CGMA, ex-FG at Iba pa, Pinaaaresto sa NBN Case

IPINAG-UTOS NA ng Sandiganbayan ang pag-aresto kay dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo at iba pang mga sangkot sa kontrobersiyal na National Broadband Network (NBN) deal.

Kabilang pa sa pinaa-resto ng anti-graft court ay sina dating Unang Ginoo Mike Arroyo, dating Transportation Sec. Leandro Mendoza at dating Commission on Elections Chairman Benjamin Abalos.

Ang dating pangulo at si Abalos ay kasalukuyang nakakulong dahil sa kasong electoral sabotage.

Ayon naman kay Atty. Ferdinand Topacio, nakahanda umano ang dating unang ginoo na harapin ang kaso at maglagak ng agarang piyansa.

Dismayado at malungkot ang kanyang kliyente sa dahilang bago pa lamang kalilibing ng kapatid nito na si Rep. Iggy Arroyo, ani Topacio.

Hindi rin aniya nila inaasahan dahil meron pa silang nakabinbin na petisyon para sa tinatawag na judicial determination ng probable cause.

Una nang iginiit ng mga sangkot na walang basehan ang nasabing kaso dahil hindi naman umano natuloy ang kontrata.

Pero sa kasong isinampa ng Office of the Ombudsman, malinaw umanong ginamit ng mga akusado ang kanilang impluwensiya para maisulong ang $329-milyong kontrata sa pagitan ng gobyerno at Chinese firm na ZTE Corporation.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.