Cesar Montano at Francine Prieto, iniwan na ng mga mahal sa buhay

NAPAKABIGAT NG NAKARAANG araw ng Biyernes dahil sinalubong tayo ng nakapanlulumong balitang namatay ang lalaking anak ni Cesar Montano na si Christian Angelo.

Ang lumutang na report mula sa pulis ay nagpakamatay raw ito, kung saan ay binaril nito ang kanyang ulo habang may kausap daw ito sa telepono.

Ang sabi, ang girlfriend daw ang kausap, kung saan nag-aaway raw sila at medyo lasing pa raw nu’n si Angelo.

Tahimik na sina Cesar sa dahilan nang pagpapakamatay ng kanyang anak at humingi ito ng paumanhin sa media na hindi muna sila mapagbigyan ng interview. Kung puwede ay bigyan sila ng sapat na panahong makapagluksa.

Kuwento ng ibang mga malalapit sa kanya, parang nakatulala raw si Cesar pati sina Sunshine at ang kapatid ni Angelo na si Angela.

Sino nga ba naman ang mag-aakalang gugulantangin sila ng ganu’ng kasaklap na balita?

Kahapon ang cremation kay Angelo at ang pasiya raw nina Cesar ay roon muna sa bahay nila ang abo nito at pagdedesisyunan pa nila kung kailan ito ililibing.

Nang nakausap ng Startalk si Direk Marilou Diaz-Abaya na isa sa malapit kay Cesar, sinabi naman nitong medyo kalmado na si Cesar at dasal daw ang nagpapalakas sa kanya. Kaya ang hiling ni Direk Abaya, sana tulungan na lang daw sila sa pagpapatuloy sa pagdarasal na magiging matatag ang buong pamilya sa pinagdaanan nila ngayon.

Kahit ako, nakikita ko kung gaano ka-close si Cesar kay Angelo kaya sobrang bigat nito sa kanya at sabi nga ni Direk Abaya, habang-buhay raw itong dadalhin ni Cesar.

Ang tanong ng karamihan, itutuloy pa rin ba ni Cesar ang pagtakbo niya sa Bohol?

Sabi ni Direk Abaya, tingin naman daw niya, ipagpatuloy pa rin ito ni Cesar pero sa ngayon ay itong sa anak muna niya ang kanyang hinaharap. At sabi nga raw, he’s taking it one day a time. Bahala na ang Diyos kung ano ang gusto nitong mangyari sa kanya.

UMAGA, IYON ANG pinagkaguluhan. Kinagabihan naman, tinutukan ng media itong pagkamatay naman ng ina ni Francine Prieto.

Umaagos ang luha ni Francine nang nakausap ito ng staff ng Startalk dahil obvious namang hindi pa sila handa. Alam naman daw nilang doon ito patutungo pero parang napakaaga pa raw at alam daw nilang ayaw pa ng Mommy nila na mawala ito.

Kaya lang hindi na talaga kaya ng katawan nito ang mga ikinabit sa katawan niya, pagkatapos nitong dumaan sa ilang chemotheraphy session. Ang nagpalala yata sa kanya ay nang kinabitan ito ng catether o pigtail ang tawag nila. Kaya isa iyon sa ikinalulungkot ni Francine.

Bago raw magsimula ang Semana Santa, ililibing na nila ang Mommy ni Francine.

Nagpapasalamat ito sa lahat ng tumulong sa kanya, lalo na nu’ng nagkaroon ito ng fund-raising. Iyon nga lang, hindi na kinaya ng Mommy niya kaya wala na rin silang magawa kundi tanggapin ito. Sa ngayon, si Francine na ang tumatayong ina at ama sa kanyang mga kapatid.

Nakikiramay po kami kina Cesar at kay Francine kasama na ang pamilya nila sa pagpanaw ng taong pinakamahal sa kanila.

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis

loading...

One thought on “Cesar Montano at Francine Prieto, iniwan na ng mga mahal sa buhay

  1. It’s hard to understand why people are taken away from us, but find comfort in knowing you were a special part of a well-lived life.
    My condolences to Cesar and Francine.

Leave a Reply

Your email address will not be published.